ni VA / Eddie M. Paez Jr. - @Sports | July 17, 2021
Nakatakdang maglaban ang season host Letran at Lyceum of the Philippines University sa finals ng NCAA Season 96 juniors online chess tournament. Ang tapatan ng dalawang kinatawan ng dalawang nabanggit na NCAA member schools ay naitakda matapos nilang mamayani sa kani-kanilang semifinal matches.
Umabot ng finals para sa Squires si Christian Mark Daluz matapos niyang talunin ang isa pang kinatawan ng Junior Pirates na si Paul Matthew Llanillo sa semifinals. Bumawi naman si Leonel Escote sa pagkatalo ng kakamping si Llanillo nang pataubin nito ang nakatunggaling si Melson John Gallo ng JRU upang makatungtong ng kampeonato.
Naputol ang koneksiyon ni Gallo sa internet habang nagaganap ang laro at nabigo ng makabalik pa na naging sanhi ng pagkabigo.
Sa araw na ito ang pagtutuos nina Daluz at Escote para sa titulo habang pinaglabanan na kahapon nina Llanillo at Gallo ang ikatlong puwesto.
Samantala, pinangunahan ng mga bigating San Juan Predators at Manila Indios Bravos ang mga koponang matagumpay na nakausad na sa maigting na knockout rounds ng import-flavored 2021 Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) Wesley So Cup Conference na ginaganap online.
Nawala naman sa anunsiyo ang pamamayagpag ng Cordova Duchess Dagami Warriors sa Southern Division ng event na kinikilala ng Games and Amusement Board (GAB) at sinusuportahan ng tubong Cavite na chesser at dating hari ng ahedres sa Pilipinas na si Grandmaster Wesley So.
Kumartada ang San Juan ng 31 panalo mula sa 34 na matches sabay kamada ng 499 puntos para makapasok sa yugtong lalapatan ng “isang kurap, uwi na” na tuntunin. Nakaiskor ang Manila ng 30 tagumpay kontra sa apat na talo. Nakaipon din ang koponan ng 438 puntos. Kapwa hinihintay pa ng dalawang topseeds ang makasasagupa sa knockout round.
Maliban sa San Juan at Manila, mula sa Norte, nakahakbang na rin sa susunod na bahagi ng kompetisyon ang All Filipino titlist na Laguna Heroes (26-8; 471 puntos), Caloocan Loadmanna Knights (26-8; 445.5 puntos) at Antipolo Cobras (25-9; 437 puntos).