ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | April 8, 2021
Kabilang ang mga premyadong Pinoy cue artists na sina Alex " The Lion " Pagulayan, Carlo “The Black Tiger” Biado, Johann "Bad Koi" Chua, Dennis “Robocop” Orcullo, Anton " The Dragon" Raga, Lee Van "The Slayer" Corteza at Zorren James "Dodong Diamond" Aranas sa mga piling personalidad na bumabandera sa larangan ng pagtumbok ayon sa World Pool Billiards Association, Fargo Ratings at sa Matchroom rankings.
Si Pagulayan, dating world 9-ball king na tubong Isabela, ay pampito sa WPA rankings dahil sa naipon nitong 16,215 puntos; pang-13 naman sa listahan ng world governing body si Japan Open winner Chua (14,151 puntos) habang pang-15 naman si Biado, naging World Games gold medalist at World 9-Ball champion noong 2017, sa nakulektang 13,700 puntos. Sa sistema ng WPA, piling mga paligsahan lang maaring kumuha ng puntos ang mga manlalaro.
Nakaupo naman sa pang-anim na baytang ng Fargo World Rating si China Open runner-up Raga (821 puntos) habang tangan ni one-time World 8-Ball champ Orcullo (817 puntos) ang pang-10 puwesto. Si Orcullo ay nagbigay na rin minsan sa Pilipinas ng titulo mula sa prestihiyosong World Cup of Pool.
Nasa listahan din ng mga Fargo “idols” si Pagulayan na nasa pang-13 posisyon kasosyo si Corteza dahil pareho silang may 813 puntos; yakap ni Biado (812 puntos) ang pang 16 na upuan; kapit-tuko naman sina Aranas (806 puntos) at Banares (805 puntos) sa pang-19 at pang-20 luklukan ayon sa pagkakasunod. Sa tuntunin ng Fargo, tumataas ang rating ng isang manlalaro kung saan tinalo niya ang isang karibal na may mas mataas na rating. Ang talunang katunggali ay nababawasan din ng rating. Ang sistemang ito ay katulad ng ginagamit ng FIDE sa mga chessers.
Si Aranas ang tanging Pinoy sa Matchroom Pool World Rankings dahil sa natipon nitong 86 puntos na sapat na para sa pang-anim na puwesto.