ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 05, 2021
Muling nakita ang mataas na antas ng husay ng tubong Cavite na si Grandmaster Wesley So sa online chess nang makuha niya ang runner-up honors sa $320,000 Meltwater Champions' Chess Tour: FTX Crypto Cup na nilahukan ng karamihan ay mga pinakamalulupit na chessers sa buong daigdig.
Hinatak niya sa isang gitgitang duwelo si world champion GM Magnus Carlsen ng Norway sa finals. Sa unang araw, kapwa kumuha ng 2 puntos sina So at Carlsen, isang resultang naulit sa pangalawang araw. Dahil dito, nauwi sa tatlong Armagedon matches ang sagupaan. Sa Game 1, nangibabaw si So pero nagwagi sa huling dalawang laro ang Norwegian kaya nito nakuha ang korona.
Nagsilbing resbak ni Carlsen ang korona kontra sa dating hari ng ahedres sa Pilipinas. Bago ang torneo, dalawang beses nang nagkampeon sa Tour si So. Sa parehong pagkakataon, sila ng Norwegian ang nagharap sa finals at dalawang beses niya itong nasingitan sa trono. Nang una (Skilling Open) ay nataong nagdiriwang si Carlsen ng kaarawan at noong pangalawa (Opera Euro Rapid) ay noong Araw ng mga Puso.
Sa buong Tour sina So at Carlsen lang ang may tigalawang korona. Ang karibalang Carlsen-So ay unang napunta sa centerstage noong magharap sila para sa korona ng pinakaunang World FIDE Fischer Random Chess Championships. Sa hindi inaasahang resulta, inilampaso ni So si Carlsen sa harap ng mga kababayang Norwegians.
Nakasampa sa finals ng Crypto Cup ang 2-time US Champion na si So matapos pumanglima sa qualifiers at matapos walisin sa knockout stage sina Maxime Vachiere Lagrave ng France at Ian Nepomniachtchi ng Russia. Nagsilbing “KJ” si So sa mga fans sa pagpasok niya sa championship match-up dahil umaasa ang marami na makikita nila ngayong Hunyo ang isang world championship preview sa pagitan nina Carlsen at Nepomniachtchi.