ni Eddie M. Paez, Jr. - @Sports | May 4, 2022
Inangkin ni Rianne Malixi ng Pilipinas ang panlimang puwesto sa 2022 American Junior Golf Association (AJGA): Rome Junior Classic sa Georgia.
Ikinalat ni Malixi ang tatlong birdies upang kontrahin ang dalawang bogeys sa huling 18 butas ng 3-araw na kompetisyon tungo sa kabuuang iskor na 1-under-par 212 strokes (67-75-70). Inokupahan nina Sara Im (USA), Thanana Kotchasanmanee (Thailand), Alice Ziyi Zhao (China) at Lydia Swan (USA) ang unang apat na baytang sa paligsahan.
Ang torneo ay isa sa tatlong warm-up events ng dalagitang Pinay bago ito sumalang sa Hanoi SEA Games na magsisimula na ngayong Mayo 12. Nauna rito, naisalba ni Malixi ang runner-up honors sa AJGA: Ping Heather Farr Classic sa palaruan ng Longbow Golf Club sa Mesa, Arizona.
Kumartada si Malixi, 15-anyos, ng kabuuang 6-under-par 207 na palo para makasosyo niya si Kelly Xu ng USA sa 2nd place sa paligsahang pinagwagian ni Jasmine Koo (205 strokes).
Kamakailan, humabol siya sa trangko sa huling 18 butas upang makaakyat sa trono ng AJGA: Thunderbird Junior All-Star Tournament sa Arizona pa rin.
Tatlong mga kalahok ang nagpatas pagkatapos ng regulation play sa Thunderbird. Bukod kay Malixi, na nakaipon ng 207 strokes mula sa markang 69-68-70, pumasok din sa playoff si round 1 at 2 pacesetter Nikki Oh (65-71-71) mula sa Torrance, California at Scarlett Schemmer (72-66-69) ng Birmingham, Alabama.
Laglag para sa karera sa korona sa unang playoff hole si Oh bago naselyuhan ni Malixi ang trono sa pangatlong butas. Matatandaang nagkampeon din si Malixi sa 2021 Se Ri Pak Desert Junior event.