top of page
Search

ni Lolet Abania | April 10, 2022



Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 ngayong Linggo ng hapon ang apat na lugar sa bansa dahil sa Tropical Storm Agaton na nag-landfall sa Eastern Samar, ayon sa PAGASA.


Sa kanilang 2PM bulletin na nai-post sa website, ayon sa PAGASA ang mga lugar na isinailalim sa TCWS No. 2 ay ang mga sumusunod:


• Central at southern portions ng Eastern Samar (Can-Avid, Taft, Sulat, San Julian, Borongan City, Maydolong, Balangkayan, Llorente, Balangiga, Lawaan, Hernani, General Macarthur, Quinapondan, Giporlos, Salcedo, Mercedes, Guiuan);


• Central at southern portions ng Samar (Catbalogan City, Jiabong, Motiong, Paranas, Hinabangan, Calbiga, San Sebastian, Villareal, Pinabacdao, Santa Rita, Basey, Talalora, Daram, Zumarraga, Marabut);


• Northeastern portion ng Leyte (Babatngon, San Miguel, Barugo, Tunga, Alangalang, Tacloban City, Santa Fe, Pastrana, Palo, Tanauan, Tolosa, Dulag, Mayorga);


• Northern portion ng Dinagat Islands (Loreto, Tubajon)


Sa ngayon, nakararanas ang mga naturang lugar ng gale-force winds at posibleng asahan ito sa susunod na 24 oras.


Ayon sa PAGASA, ang bugso ng hangin ay maaaring magresulta sa posibleng banta ng panganib sa mga residente at kanilang kabuhayan.


Samantala, inilagay naman sa TCWS No. 1 ang buong southern portion ng Masbate (Dimasalang, Palanas, Cataingan, Pio V. Corpuz, Esperanza, Placer, Cawayan); natitirang bahagi ng Eastern Samar; natitirang bahagi ng Samar; Northern Samar; Biliran; natitirang bahagi ng Leyte; Southern Leyte; northern portion ng Cebu (Borbon, Tabogon, San Remigio, Bogo City, Medellin, Daanbantayan, Bantayan Islands) kabilang na ang Camotes Islands; Surigao del Norte at natitirang bahagi ng Dinagat Islands.


Asahan na makararanas ng malalakas na bugso ng hangin sa mga nasabing lugar sa loob ng mga susunod na 36 oras.


Bandang alas-7:30 ng umaga, nag-landfall ang Bagyong Agaton sa buong Calicoan Island, sa Guiuan.


Habang ala-1 ng hapon, ang sentro ni Agaton ay tinatayang nasa layong 10.9°N, 125.6°E sa buong coastal waters ng Balangiga, Eastern Samar, batay sa PAGASA.


May maximum sustained winds ito na 75 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot sa 105 km/h, at central pressure na 998 hPa.


Ayon pa sa PAGASA, ang Bagyong Agaton ay dahan-dahang kumikilos pakanluran.


Taglay din nito ang lakas ng hangin o higit pa na lumalawig palabas na aabot sa 220 km mula sa sentro.


Katamtaman hanggang sa malakas at paminsang matinding pag-ulan ang asahan sa buong Eastern Visayas, Cebu, Bohol, Dinagat Island, Surigao del Norte, at Agusan del Norte.


Samantala, nasa kabuuang 3,347 indibidwal ang inilikas sa Cagayan de Oro at lalawigan ng Bukidnon dahil sa tinatawag na rain-induced landslides, at pagbaha dulot ng Tropical Storm Agaton, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).


Sa isang interview ngayong Linggo kay NDRRMC spokesperson Mark Timbal, sinabi nitong bago pa pumasok ang Bagyong Agaton sa Philippine Area of Responsibility (PAR), may mga pagbaha at landslides na ang nai-report sa maraming lugar sa Mindanao dahil sa malalakas na pagbuhos ng ulan.


“Sa natanggap nating ulat, umabot po ng 3,347 na katao ang nagsilikas mula sa iba’t ibang lokasyon diyan sa Cagayan de Oro City at sa Bukidnon province. Tuloy-tuloy din naman ang pagtulong ng local government units sa kanila,” pahayag ni Timbal.


 
 

ni Lolet Abania | April 9, 2022



Nananatiling nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang buong Eastern Samar sa Visayas at Dinagat Islands, Siargao at Bucas Grande Islands sa Mindanao ngayong Sabado ng hapon dahil ito sa Tropical Depression Agaton, ayon sa 2PM bulletin ng PAGASA.


Kasalukuyang dumaranas ang mga nasabing lugar ng malalakas na bugso ng hangin at asahan na maaaring magtuluy-tuloy ito sa susunod na 36 oras. Gayunman, sinabi ng PAGASA na magiging bahagya lamang ang banta nito sa mga indibidwal at kabuhayan.


Asahan na ngayong Sabado hanggang umaga ng Linggo na makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas at paminsang matinding pag-ulan sa buong Eastern Visayas, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.


Habang ang Masbate, Sorsogon at ang natitirang lugar sa Visayas at Mindanao ay makararanas naman ng mahina hanggang sa katamtaman at paminsang malakas na pag-ulan. Samantala, ala-1:00 ng hapon, namataan ang sentro ni Agaton sa layong 125 kilometers east southeast ng Guiuan, Eastern Samar.


Ang Bagyong Agaton ay may maximum sustained winds na 45 km/h malapit sa sentro, gustiness na aabot hanggang 55 km/h, at central pressure ng 1004 hPa. Subalit, ayon sa PAGASA, ang Bagyong Agaton ay halos nakapirme lamang.


Pinapayuhan naman ang mga residente na maging mapagmatyag sa posibleng pagbaha at landslides. “Under these conditions and considering significant antecedent rainfall, scattered to widespread flooding (including flooding) and rain-induced landslides are expected especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazard as identified in hazard maps,” sabi ng PAGASA.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 18, 2021




Isasailalim ang Borongan City, Eastern Samar sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa loob ng dalawang linggo simula ngayong araw, January 18, dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.


Sa nilagdaang Executive Order No. 001-0121 ni Borongan City Mayor Jose Ivan Agda, nakasaad na kabilang sa mga high risk areas ang naturang lugar.


Saad din sa naturang order, “Only essential travels will be allowed in going to and from the city and the poblacion area.”


Kabilang umano sa mga itinuturing na essential travels ay ang “work purposes whether in the government or private; medical and health emergencies; and travel for the purpose of purchasing foods and medicines subject to reasonable limitations as herein provided.”


Mahigpit ding ipinagbabawal ang lahat ng uri ng mass gatherings kabilang na ang religious activities, at magpapatupad din ng 8 PM hanggang 5 AM na curfew.


Bawal ding lumabas ang mga edad 21 pababa at 60 pataas maliban kung kinakailangang bumili ng mga essential goods.


Bawal din ang dine-in sa mga restaurants at kasabay ng MECQ ay ipapatupad din umano ang liquor ban.


Samantala, ang mga indibidwal na lalabag sa naturang Executive Order ay maaaring magmulta ng halagang P3,000 hanggang P5,000 at pagkakakulong ng hindi lalagpas sa 30 araw.


Sa mga establisimyento namang lalabag, maaaring magmulta ng P5,000 sa first offense at P5,000 din sa second offense kasabay ng “revocation of business permit.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page