ni Lolet Abania | June 3, 2022
Niyanig ng 5.6-magnitude na lindol ang Surigao del Sur ngayong Biyernes ng madaling-araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa bulletin ng PHIVOLCS, alas-2:54 ng madaling-araw naitala ang lindol na isang tectonic, habang may lalim itong 9 kilometro. Ang epicenter ng lindol ay nasa layong 49 kilometro southeast ng Cagwait, Surigao del Sur.
Nai-record ang Intensity IV sa mga munisipalidad ng Cagwait, Bayabas, at San Agustin sa Surigao del Sur, habang Intensity III ay naramdaman sa Bislig City at Hinatuan, Surigao del Sur, at sa Rosario, Agusan del Sur.
Naitala rin ang Instrumental Intensity I sa Tandag City, Surigao del Sur; Nabunturan, Davao de Oro; at Cabadbaran City, Agusan del Norte. Ayon sa PHIVOLCS, asahan na ang mga aftershocks at posibleng pinsala matapos ang lindol.