ni Jeff Tumbado | June 16, 2023
Isang magnitude 6.3 na lindol ang yumanig sa lalawigan ng Batangas at malaking bahagi ng Luzon region kahapon.
Batay sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang lindol na tectonic ang pinagmulan alas-10:15 ng umaga ng Huwebes, Hunyo 15, kung saan namataan ang epicenter nito 15 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Calatagan, Batangas, na may lalim na 119 kilometro.
Ayon kay Erlington Olavere, seismic and earthquake specialist ng Philvolcs, nang dahil sa lalim ng origin ng pag-uga ng lupa ay ramdam ang pagyanig sa matataas na gusali.
"Normally, mas ramdam ito sa mga high-rise at saka mga medium-rise buildings, ‘yung mga nasa upper floor. So, sila ‘yung medyo mas makakaramdam against doon sa mga nasa ground floor," ani Olavere.
Naramdaman ang Intensity IV sa ilang parte ng National Capital Region (NCR) partikular sa Maynila, Mandaluyong City, Valenzuela City, Quezon City at Region 3 sa Bulacan, Region 4A sa Batangas, Cavite, Tagaytay at Rizal.
Intensity III naman sa Pateros, Las Pinas City, Makati City, Marikina City, Paranaque City, Pasig, Obando, Bulacan; Laurel, Batangas; Bacoor City at Imus, Cavite; San Pablo City; at San Pedro, Laguna at San Mateo, Rizal.
Naiulat din ang Intensity II sa Caloocan City; San Juan City; Muntinlupa City; San Fernando, La Union; Alaminos at Bolinao, Pangasinan; Santa Maria, Bulacan; Tarlac; Bamban, Tarlac at intensity I naman sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Agad na sinuspinde ng Department of Transportation ang lahat ng operasyon sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) at pinatigil ang lahat ng tren sa pinakamalapit na terminal.