ni Gerard Arce @Sports | January 16, 2023
Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling magaganap ang isang All-Filipino championship match sa M4 World Championship (Mobile Legends: Bang Bang) tournament sa pagitan ng defending titlist Blacklist International at ECHO PH na itinala ang pambihirang panalo kontra Indonesian team na RRQ Kingdom nitong Sabado ng gabi sa iskor na 3-1 sa Tennis Indoor sa Senayan, Indonesia.
Tatangkain ng Blacklist na makaulit ng panalo sa rematch kontra ECHO PH na kanilang tinalo sa upper bracket Finals sa dikdikang 3-2 iskor noong Biyernes ng gabi.
Todo handa ang pangunahing pambato ng Codebreakers na sina team captain Johnmar "OhMyV33nus" Villaluna at Danerie James “Wise” del Rosario, habang inaasahang bubuhos ng suporta ang mga kakamping sina Kiel "Oheb" Soriano, Salic "Hadji" Imam at Edward Jay “Edward” Dapadap, Kent Xavier “Kevier” Lopez, Mark Jayson “Eson” Gerardo, at Dexter Louise “DEXTER” Alaba.
Susubukang agawin at makabawi ng ECHO PH na pagbibidahan nina Frederic Benedict “Bennyqt” Gonzales, Jankurt Russel “KurtTzy” Matira, Karltzy, Frediemar “3MarTzy” Serafico, Tristan “YAWI” Cabrera, Jaypee “JAYPEE” Dela Cruz, Sanford “Sanford” Vinuya at Jhonville Borres “Outplayed” Villar.
Bago magtapat sa finals ng Upper Bracket, naunang tinalo ng Blacklist ang paboritong RRQ Hoshi Indonesia sa iskor na 3-2 sa upper bracket ng knockout stage, Miyerkules ng gabi, habang pinulbos ng ECHO PH ang ONIC Esports ng Indonesia sa 3-1 panalo.
Parehong binalewala ng Codebreakers at ECHO ang maingay at katunggaling manood na buhos ang suporta sa Indonesian teams sa dikdikang laban na nauwi sa matinding palitan ng mahusay na pagpapatakbo ng diskarte at husay sa pagmamando ng laro.