ni VA / Anthony E. Servinio - @Sports | November 17, 2020
Binigo ng Australia ang E-Gilas Pilipinas para mauwi ang kampeonato ng Timog Silangang Asya at Oceania sa pagpaptuloy ng 2020 FIBA ESports Open II noong Linggo ng gabi. Winalis ng mga Australyano ang seryeng best of three sa pamamagitan ng magkasunod na walang dudang 62-54 at 69-54 na tagumpay upang patumbahin ang mga Pinoy.
Pareho ang kuwento ng dalawang laban kung saan hindi agad natumbasan ng mga Pinoy ang enerhiya at gana ng kalaban sa simula at lumayo agad ang Australia. Nagawa na bawasan ang lamang subalit kinapos ng oras.
Nagtapos ang Pilipinas na numero uno matapos ang elimination round na may kartadang 5-1 panalo-talo. Bago ang serye, dinagdag nila ang dalawa pang tagumpay kontra sa walang panalong Indonesia, 54-49, at Australia, 76-45.
Tila ibang koponan ang naglaro para sa kampeonato at hindi nila malampasan ang mahigpit na depensa ng Australia. Hindi din nakatulong na umasim ang kanilang mga tira lalo na mula sa three-points na paborito nilang sandata sa dalawang araw ng torneo.
Tinutukan ng depensa si point guard Aljon Cruzin na angat-angat ang laro noong elimination round. Dahil dito, nag-doble kayod ang buong koponan na lumikha ng puntos sa likod nina Philippe Herrero IV, Clark Banzon, Rial Polog at Custer Galas.
Pinili ang 18-anyos na si Benjamin Klobas bilang Most Valuable Player at gagawaran siya ng bagong mamahaling relos. Ang iba pang mga kasapi ng Australia ay sina kapitan Max Ellwood, Cooper Cameron, Cameron Sloper, Kyle Vassalloo at Jonte Burns.
Sa ibang mga laro, nananatili sa Saudi Arabia ang kampeonato ng Gitnang Silangan matapos ng kanilang seryeng best of seven sa Lebanon, 4-1. Tinanghal ang Cote d’Ivoire na unang kampeon ng Aprika matapos walisin ang Gabon, 4-0.
Magbabalik ang FIBA ESports Open II sa Disyembre 12 at 13 sa tapatan ng 18 bansa ng Europa. Susunod dito sa Disyembre 19 at 20 ang pinagsabay na mga torneo para sa Hilaga at Timog Amerika.