ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 22, 2020
Matagumpay na nanatili sa Argentina ang kampeonato ng Timog Amerika habang naghari ang Estados Unidos sa Hilaga at Gitnang Amerika sa pagwawakas ng FIBA ESports Open II Lunes ng umaga. Pinatunayan ng dalawang bansa na hindi lang sila kampeon sa sahig ng Basketball kundi pati rin sa cyberspace bilang pinakamahusay na manlalaro ng NBA2K sa buong mundo.
Kinailangan ng Argentina ang tatlong laro upang patahimikin ang mga baguhan galing Uruguay sa serye ng kampeonato, 48-39. Wagi ang Argentina sa unang laro, 66-60, subalit bumawi ng malaki ang Uruguay sa pangalawa, 73-48.
Hinirang na Most Valuable Player si Adrian Lopez. Ang iba pa niyang mga kakampi ay sina Ramiro Diaz, Tomas Schell, Ramiro Ellero, Lautaro Rodriguez. Agustin Alonso at Lisandro Tisnes. Winalis ng Argentina ang elimination, 4-0, kasunod ang Uruguay sa 3-1. Mula sa pangalawa sa unang FIBA ESports Open noong Hunyo, pangatlo na lang ang Brazil (2-2) at sinundan ng Bolivia (1-3) at Venezuela (0-4).
Matapos parehong magpasiklab ng matinding opensa sa elimination, depensa ang naging susi ng pagwala ng mga Amerika sa Dominican Republic sa mga iskor na 48-45 at 60-56. Natapos ang elimination na tabla ang dalawang bansa kasama ang Puerto Rico sa 5-1 subalit sila ang nakapasok sa bisa ng FIBA tiebreaker.
Binubuo ang Team USA nina Spencer Wyman, Malik Hobson, Rafel Davis, Ramo Radoncic, Jack Mascone, Kenny Hailey at Wendi Fleming. Ang 33 anyos na si Fleming ay gumawa ng kasaysayan bilang pinakaunang kababaihan na lumahok sa FIBA ESports Open.
Nagkampeon sa Timog Silangang Asya ang Pilipinas sa unang FIBA ESports Open noong Hunyo. Pinag-isa ang rehiyon at Oceania sa sumunod na torneo at pumangalawa ng E-Gilas sa Australia noong nakaraang buwan.
Hihintayin ang pahayag ng FIBA kung kailan ang ikatlong edisyon ng torneo. Mula sa 17 bansa noong unang edisyon, lumaki sa 36 ang kalahok sa katatapos na torneo.