ni Zel Fernandez | May 2, 2022
Kasunod ng balitang may mahigit 30 nawawalang sabungero ang hindi pa nahahahanap matapos ang kontrobersiya sa E-Sabong, hinala ni Pangulong Duterte ay tuluyan na umanong ‘pinatahimik’ ang mga ito.
Kasabay ng naging pagbisita ng pangulo sa San Fernando, Pampanga, para sa pagbubukas ng kauna-unahang OFW Hospital sa bansa, ibinahagi nito ang kanyang suspetsa na posibleng sinunog na umano ang mga katawan ng mga nawawalang sabungero sa bansa.
Pahayag pa ni Pangulong Duterte, sadya umanong mayroong mga pulis na sangkot sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero na tukoy na umano sa mga ganu’ng istilo.
Kabilang umano rito ang harap-harapang pagpasok sa isang bahay upang dukutin ang kanilang subject, na naging diskarte na aniya ng ilang tiwaling law enforcement agents tulad ng ilang kapulisan ng PNP.
Samantala, hindi pa rin umano nalilihis ang espekulasyon na ang pananabotahe ng ilang mga sabungero ay nadiskubre ng mga sindikato na maaaring naging sanhi upang dakpin ang mga ito na hanggang ngayon ay wala pa ring ulat sa kinaroroonan o kung buhay pa nga ba ang mga biktima.