ni Angela Fernando @News | August 30, 2024
Nagpahayag si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na naniniwala siyang ginagawa ng House of Representatives (HOR) ang imbestigasyon sa mga namatay sa drug war o sa extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang magamit ito laban sa kanila sa International Criminal Court (ICC).
"Sinong nasa likod nitong mga committee na ito ay 'yung Speaker of the House, 'di ba? Alam ko this is the same person na nagkumbinsi sa mga opisyal na gustong bumaliktad, mag-execute ng affidavit laban sa amin ni President Duterte para sa ICC. I am expecting na itong ginagawa ng Quad na imbestigasyon ay pwede nila itong gamitin laban sa amin doon sa ICC," saad ni Dela Rosa.
Matatandaang ibinulgar ni dela Rosa nu'ng naunang buwan na sina Speaker Martin Romualdez, dating Sen. Antonio Trillanes, NICA chief Ricardo de Leon, at Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ay nakipagpulong sa mga retirado at aktibong opisyal ng pulisya upang hikayatin silang gumawa ng affidavit laban sa kanya at kay Duterte kaugnay ng imbestigasyon ng ICC sa drug war ng nakaraang administrasyon.
Itinanggi ni De Leon na pinilit niya ang mga opisyal ng pulisya na tumestigo laban kina Duterte at Dela Rosa sa harap ng ICC.
Binigyang-diin din ni Co na sa kanilang pagpupulong nina Romualdez at Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group, na hindi kailanman nabanggit ang pagtistigo laban sa sinuman sa harap ng ICC.