ni Lolet Abania | May 3, 2022
Pinag-iisipan na ng pamahalaan na magpatupad ng COVID-19 vaccination program sa mga paaralan para sa mga estudyante na magbabalik sa face-to-face classes habang patuloy ang bansa sa pagbabakuna sa mas marami pang indibidwal.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ang COVID-19 vaccination program para sa mga estudyante ay ipapatupad na katulad sa ibang vaccines para sa measles at polio na iniaalok at isinasagawa sa mga estudyante.
“We have already articulated this to [Department of Education] Secretary [Leonor] Briones so that we can ramp up the relatively low vaccine coverage for the students in the basic education sector,” pahayag ni Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte sa isang taped meeting na ipinalabas ngayong Martes.
Nagmula ang suhestiyong ito kay Pangulong Duterte na nagpanukala na payagan ang mga estudyante na mag-attend ng in-person classes kung ang mga vaccination programs ay naisagawa na sa kanila ng gobyerno.
Kasama sa planong programa ay mga minors na nasa pagitan ng mga edad 5 at 11, at nakipag-usap na kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr. sa mga academic institutions.
Samantala, sa latest data mula sa DOH, lumabas na nakapag-administer na ang bansa ng kabuuang 147.117 milyon doses ng COVID-19 vaccines hanggang nitong Mayo 1. Kabilang dito ang 65.719 milyon first doses, 67.911 milyon second doses, at 13.487 milyon booster doses, kumpara sa estimated population ng bansa na 110 milyon.
Ayon naman kay presidential adviser on COVID-19 response Vince Dizon, available na ang mga suplay ng bakuna na ilalaan sa mga paaralan, kung saan may 15 milyon doses para sa mga kabataan ay nasa bansa na, habang nasa 10 milyon naman ang kasalukuyang stock nito.
“The IATF, I think, in its next meeting, will issue such a strong endorsement or strong encouragement for private schools in particular to go back to face-to-face classes,” ani Dizon sa parehong meeting.
Sinabi ni Dizon na halos nasa 60% ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagbalik na face-to-face classes, at patuloy pang dumarami ang lumalahok dito.