ni Mai Ancheta | June 5, 2023
Nagtakda ng panuntunan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mapapabilang sa food stamp program ng pamahalaan.
Ayon kay DSWD Undersecretary Edu Punay, kailangang mag-enroll sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na lilikha ng trabaho ang mga benepisyaryo para makasama sa food stamp program.
Binigyang-diin ng opisyal na layon nito na matigil na ang kultura ng pagiging palaasa sa tulong na ibinibigay ng gobyerno.
"Itong design na ito para sa food stamp program ay multi-purpose. Hindi lang kami puro ayuda na kinalakihan ng ating mga kababayan. Kami ay nagiging developmental na," ani Punay.
Sinisiguro aniya ng DSWD na hindi nakadepende lang sa ayuda at tanggap nang tanggap ang mga tao.
Para manatili aniya sa food stamp program ang mga mahihirap, hihingan ng requirements ang mga ito na mag-submit ng sertipikasyon na naghahanap sila ng trabaho sa pamamagitan ng DOLE at TESDA.
Ang food stamp program ay popondohan ng P40 billion kung saan tig-tatlong libong piso ang ibibigay na allowance sa target na isang milyong pinakamahihirap na pamilya sa pamamagitan ng electronic benefit transfer (EBT) cards.
Ang EBT ang gagamitin ng mga benepisyaryo para ibili ng pagkain sa mga accredited local retailers ng DSWD.