ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 31, 2020
Dear Doc. Shane,
Bakit ba lumuluwa ang mata ng taong may problema sa goiter? Napansin ko na ang aking kanang mata ay lumuwa at makalipas ang ilang buwan, pati kaliwang mata gayundin ang nangyari. – Janice
Sagot
Ang Graves’ disease ay klase ng toxic goiter kung saan lumuluwa ang mga mata, puwede ring mamaga ang paligid nito—parehong mata o isang mata lamang.
Sa likod ng eyeball ay may muscles na nagpapagalaw sa mata at taba (fat). Ang eyeball ay napaliligiran ng buto sa loob ng bungo (skull). Lumuluwa ang mga mata dahil namamaga ang muscles at taba kaya itinutulak nito ang eyeball palabas.
Sanhi:
Puwede itong mamana
Paninigarilyo
Malakas uminom ng alak
Hindi maganda ang lifestyle
Ang pagluwa ng mga mata ay puwedeng mangyari bago lumabas ang mga sintomas ng toxic goiter. Puwede ring diagnosed na at saka pa lang lumuluwa ang mata pagkatapos ng ilang buwan.
Kung isa lang ang matang nakaluwa, nagpapagawa ang doktor ng CT scan para masiguradong namamaga lang ang muscles at walang tumor sa likod ng eyeball.
Bumubuti ang mata kapag ginagamot na ang toxic goiter sa pamamagitan ng tabletang gamot o sa pag-opera. Puwedeng lumala ang problema sa mata kung radioactive iodine ang gagawin kaya pinagbabawal itong gamitin kung sobrang nakaluwa ang mata.
Minsan ay nagrereseta ang doktor ng artificial tears kung natutuyo ang mata. Para maiwasan ang panunuyo ng mga mata, puwedeng magsuot ng dark glasses at takpan ang mata kung natutulog. Gayundin, nababawasan ang pamamaga kung matutulog na mataas ang unan.
Puwedeng magbigay ng steroids ang doktor para maibsan ang pamamaga. Minsan ay kailangan ding operahan ang mata para maibalik ito sa loob ng orbit.