ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 7, 2020
Dear Doc. Shane,
Ano ba ang mga pagkaing dapat iwasan ng mga taong may problema sa kidney? – Judel
Sagot
Kapag may kidney problem ang tao, mahalaga ang seryosong pagbabantay sa mga
kinakain at iniinom nito. Ito ay dahil ang kidney ay hindi na nagtatrabaho tulad nang dati. Hindi na niya nasasala at napapalabas sa katawan ang mga lason mula sa mga kinakain natin.
Ang resulta, ang mga lason ay humahalo sa dugo na nagbibigay-komplikasyon sa katawan.
Ang mga ito ay tinatawag na creatinine at dahil dito, kailangan magkaroon ng kidney-
friendly diet para hindi tuluyang masira ang kidney at posible na mapalakas muli ang mga ito.
Narito ang ilan sa mga pagkaing dapat iwasan kung may problema sa kidney:
Potassium-intake. Malaki ang naitutulong ng potassium sa katawan natin. Pero kapag may kidney problem, ang higit sa kailangan na potassium ay hindi na kayang ipalabas ng kidney. Ito ay maaaring magdulot ng negatibong resulta sa cardiovascular system. Kapag hindi na gumagana ang kidney, ang potassium at phosphorus ay humahalo na sa dugo. Para maiwasan ito, kailangang limitahan ang sarili sa pagkain ng mga prutas at gulay na mayaman sa potassium tulad ng saging, abokado, tomato, citrus fruits, broccoli, cantaloupe at raisins.
Red meat. Ang protein na nakukuha sa karneng kasing laki ng kaha ng posporo ay katumbas ng tatlong kilong isda. Ang protein ay mabuti sa katawan, pero kapag sobrang protein ay masama lalo na sa may kidney problem.
Dairy products. Kailangang bawasan o limitahan ang sarili sa pagkain ng dairy products dahil mayaman ito sa calcium na maaaring magdulot ng kidney stones. Dahil na rin hirap ang kidney na itapon ang sobrang protein sa katawan kaya naapektuhan ang filtration process nito na nagreresulta sa pagkakaroon ng bato.
Carbonated beverages. Ang mga uri ng soda tulad ng coke at energy drinks ay isa sa mga pangunahing dahilan o triggering factor ng kidney problem.
Nakalalasing na inumin. Ang sobrang alcohol din ay nagpapahina ng kidney kaya mahihirapan na itong salain ang ating dugo. Kaya kung hindi mo man maiwasan agad ang alcohol, bawasan mo na lang ito.
Caffeine. Ang caffeine na nakukuha sa kape, tsaa at softdrinks ay unti-unting magpapahirap sa ating kidney sa pagdaan ng panahon. Naapektuhan nito ang daloy ng dugo, pinabibilis ang blood pressure kaya mahihirapan din ang kidney sa pagsala nito.