ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | March 31, 2021
Dear Doc. Shane,
Mayroong sakit sa baga ang tatay ko na edad 67. Ang sabi ng doktor pulmonary fibrosis ito. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol dito?
Sagot
Ang pulmonary fibrosis ay isang uri ng malubhang sakit na nakaaapekto sa mga baga. Nagkakaroon nito ang tao kapag ang mga tissues ng mga baga ay napinsala at nagkaroon peklat. Bunga nito, kumakapal ang mga baga kung kaya’t nahihirapang huminga ang pasyente.
Ang pagkakaroon ng peklat sa mga baga ay dulot ng iba’t ibang salik. Subalit, may mga kaso ng sakit nito na hindi matukoy kung ano ang sanhi.
Ang mga salik at sanhi ng pagkakaroon ng sakit na ito ay ang pangmatagalang pagkakalanghap ng mga sumusunod:
Alikabok na galing sa tela
Hibla ng asbestos
Alikabok na galing sa bakal
Alikabok na galing sa uling
Alikabok ng bigas
Maliliit na dumi ng ibon at hayop
Maaari ring mapinsala ng radiation therapy ang mga baga at humantong sa pagkakaroon ng pulmonary fibrosis
Samantala, may mga uri rin ng gamot, tulad ng mga sumusunod, na maaaring puminsala sa mga baga at puwedeng maging sanhi ng pulmonary fibrosis:
Gamot na ginagamit sa chemotherapy
Gamot na ginagamit para sa sakit sa puso
Ilang uri ng mga antibiotic
Ilang uri ng anti-inflammatory na mga gamut
Ang ilan pa sa mga salik na maaaring magdulot ng sakit na ito ay ang mga sumusunod:
Paninigarilyo
Impeksiyong dulot ng virus
Pangangasim ng sikmura
Narito ang ilan sa mga palatandaan ng pagkakaroon ng pulmonary fibrosis:
Hirap o kakapusan sa paghinga
Sobrang kapaguran
Labis na pag-ubo o pagkakaroon ng tuyong ubo (dry cough)
Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang ng katawan
Pananakit ng mga kalamnan at mga kasu-kasuan
Paglapad at pagbilog ng mga dulo ng mga daliri sa mga kamay at mga paa
Ang ilan sa mga komplikasyon na maaaring idulot ng pulmonary fibrosis ay ang mga sumusunod:
Alta-presyon sa mga baga (pulmonary hypertension)
Paghina sa kanang bahagi ng puso
Paghina ng mga baga
Kanser sa baga
Paano ito maiiwasan?
Bawasan o iwasan ang paninigarilyo
Iwasan ang mga naninigarilyo o ‘wag maging secondhand smoker
Ugaliing magsuot ng facemask lalo na kapag nasa pagawaan ng mga nakalalasong sangkap sa paligid
Samantala, kapag madalas makaranas ng paninikip ng dibdib o hirap sa paghinga, mainam na gawin ang agarang pagppakonsulta sa doktor upang huwag lumala ang pagkakaroon ng pulmonary fibrosis.