ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | April 08, 2021
Dear Doc. Shane,
Ako ay edad 62 na, kamakailan ay ni-request ng OB ko na magpa-D&C ako dahil kumakapal diumano ang lining ng aking matris at kailangan itong i-biopsy kung ako ay may endometrial cancer. Saan ba nakukuha ang sakit na ito? – Evelyn
Sagot
Ang matris (uterus) ay bahagi ng katawan ng babae na nagdadala ng sanggol habang siya ay buntis. Kapag ang tisyu na nakapalibot sa matris (endometrium) ay tinubuan ng mga bukol, naaapektuhan ang babae ng kondisyong tinatawag na kanser sa matris o endometrial/uterine cancer.
Narito ang ilan sa mga uri nito:
Type 1 endometrial cancer. Ito ang pinakalaganap na uri ng kanser sa matris. Kilala rin ito sa tawag na endometrioid cancer. Sa uring ito, ang mga bukol ay mabagal ang pagtubo at bihira lamang kumalat sa ibang bahagi ng katawan. Pinaniniwalaang nagkakaroon ng kondisyong ito kapag masyadong naparami ang produksiyon ng estrogen hormone ng kababaihan. Kumpara sa ibang uri, mas madali itong gamutin.
Type 2 endometrial cancer. Ito ay mas mapanganib kaysa sa Type 1, sapagkat ang mga bukol ay mabilis na tumutubo at kumakalat sa ibang bahagi ng katawan. Kaya naman, nangangailangan ito ng matinding gamutan.
Uterine sarcoma. Ang mga bukol ay tumutubo sa mismong kalamnan ng matris (myometrium). Bihira ang uring ito, subalit maaari itong kumalat sa ibang bahagi ng katawan.
Sanhi:
DNA mutation. Pinaniniwalaan ng mga doktor na nagkakaroon ng kanser sa matris ang kapag nagkaroon ng mga mutation ang DNA ng kanyang mga selula. Dahil dito, ang mga selula ng matris ay lalong dumarami at lumalaki na siyang nagdudulot ng pagtubo ng mga bukol.
Bukod sa DNA mutation, maaari ring maging sanhi ng kanser sa matris ang pabagu-bagong dami ng estrogen at progesterone hormone sa kababaihan. Ang mga hormone na ito ay tumutulong upang lumabas ang mga katangiang pambabae, tulad ng menstruation o regla, pagkakaroon ng malambot at makinis ng balat, pagtinis ng boses, at iba pa.
Sintomas:
Pagsakit ng balakang
Paglabas ng dugo sa ari (na hindi naiuugnay sa regla)
Pagdurugo ng ari kahit menopause na
Pananakit ng ari habang umiihi o nakikipagtalik
Pagkakaroon ng mabahong discharge o likidong lumalabas sa ari
Paglaki ng matris
Hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang
Pagkaramdam ng panghihina sa tiyan, likod o mga binti
Salik sa panganib:
Edad 40 pataas
Pagkakaroon ng regla sa murang edad
Hindi pagkakaroon ng regular na regla
Permanenteng pagtigil ng regla o menopause
Pagtaas ng timbang
Pagkakaroon ng diabetes at alta-presyon
Hindi pagkakaroon ng anak
Pagkakaroon ng history ng kanser sa matris sa pamilya
Pag-iwas:
Pagpapanatili ng wastong timbang
Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo
Paggamit ng mga contraceptive
Pagsasailalim sa hormone therapy