ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | May 17, 2021
Dear Doc. Shane,
May ovarian cyst ang ate ko at pinayuhan siya ng kanyang doktor na ipaopera ito dahil nagdudulot ng kirot. Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa ovarian cyst? Ano ang dahilan nito at magiging cancer ba ito kapag hindi naalis? – Eloisa
Sagot
Ang eksaktong sanhi ng ovarian cyst ay hindi tiyak dahil may ovarian cyst na kaugnay lamang ng mga pagbabagong nangyayari sa obaryo sa sandali ng menstrual cycle at puwede silang mabuo mula sa nabubuong ovum (graafian follicle) o sa isang lumang ovum (corpus luteum), na nawawala rin sa bawat cycle ng babae. Mayroon ding cyst na bunga ng developmental abnormalities sa mismong obaryo, halimbawa ay polycystic ovary at dermoid cyst.
Ang ovarian cyst ay naglalaman ng fluid at common ito sa kababaihang edad 30 hanggang 60. Ang cyst ay puwedeng lumabas sa isa o sa dalawang obaryo at puwedeng nag-iisa lang o maraming cyst. Karamihan sa kaso nitong ovarian cyst ay benign o nakaka-canser at tinatayang 15 % lamang ang malignant o cancerous.
Ang cyst ay puwedeng mauwi sa pagdurugo o pagsabog, kung ang cyst naman ay may tangkay, posible rin itong mapilipit at kung minsan ay napagkakamalan pang acute appendicitis o iba pang abdominal emergencies. May posibilidad din na maimpeksiyon ito at magdulot ng lagnat at kirot. May posibilidad din na lumaki ang cyst nang sobra at magdulot ng paglaki ng tiyan o puwede nitong mabarahan ang venous drainage at magdulot ng pamamanas ng hita.
Ang ovarian cyst ay inaalis sa pamamagitan ng operasyon at ito ay depende sa kaso, puwedeng alisin lang ang cyst sa obaryo o alisin ang buong obaryo. Kapag inalis ang parehong obaryo, ito ay mauuwi sa pagkabaog ng babae at pagme-menopause. Inaalis lamang ang buong obaryo kapag ito ay ovarian cancer o sa babaeng nagme-menopause na. Ikonsulta ito sa gynecologist para malaman kung ito ay kailangang operahan.