ni Mary Gutierrez Almirañez | May 6, 2021
Iginiit ng mga eksperto na posibleng Sinovac ang iturok na second dose na bakuna kontra COVID-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling hindi maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Sinopharm na unang itinurok sa kanya.
Paliwanag pa ni Dr. Rontgene Solante ng San Lazaro Hospital's Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine, "Puwede niyang ipahabol ang Sinopharm for authorization, but Sinopharm has to submit the data. Kung hindi naman puwede ang Sinopharm, puwede naman ang kahawig na bakuna, 'yung Sinovac."
Dagdag pa niya, “As long as hindi pa 'yan approved for emergency use authorization, dapat hindi ibabakuna."
Samantala, iginiit naman ni Pangulong Duterte na sarili niyang desisyon ang pagpapabakuna ng Sinopharm, kahit hindi pa iyon aprubado ng FDA.
"Iyong itinurok sa akin... It's the decision of my doctor. And all things said, this is my life," giit pa ng Pangulo.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na rin sa ibang bansa ang paghahalo ng mga bakuna kontra COVID-19 dahil sa limitadong suplay.