ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 24, 2023
Sa nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay tinalakay natin ang Naturopathic Medicine at ang iba’t ibang uri ng pamamaraan na ginagamit ng mga Naturopathic doctors sa paggamot ng hypertension o high blood pressure. Sa ating pangkaraniwang lenggwahe ang sakit ay tinatawag na “altapresyon”.
Dahil sa paniniwala ng Naturopathy na may kakayahan ang ating katawan na pagalingin ang sarili, gumagamit ang mga naturopathic doctors ng mga bagaybna galing sa kalikasan, tulad ng mga halaman upang pagalingin ang mga sakit.
Sa nakaraang artikulo ay tinalakay natin ang paggamit ng mga halamang gamot (herbal medicine) sa pagpapagaling ng altapresyon, tulad ng Hawthorn, Serpentina at bawang. Base sa maraming pag-aaral, epektibo ang mga ito upang mapababa ang systolic at diastolic blood pressure.
Bukod sa mga halamang gamot, gumagamit din ng mga nutrients, tulad ng amino acids, vitamins at minerals galing sa iba’t ibang uri ng pagkain ang mga naturopathic practitioners upang pababain ang blood pressure.
Isang halimbawa ay ang L-Arginine, isang uri ng amino acid na pinanggagalingan ng Nitric Oxide na nagpapa-relax ng ating mga ugat upang maluwag na dumaloy ang ating dugo. Ayon sa scientific article mula sa American Journal of Hypertension na inilathala noong May 2000, ang L-Arginine ay epektibong magpababa ng blood pressure sa may altapresyon at epektibo rin na mapanatiling mababa ang blood pressure sa indibidwal na normal ang blood pressure. Sa nabanggit na pag-aaral ang dose na 10 grams ng Arginine araw-araw ay nakitang epektibo, galing man ang Arginine sa pagkain o kaya ay bilang supplement.
Ang isa pang amino acid na epektibo na magpababa ng blood pressure ay ang Taurine. Sa randomized double-blind at placebo-controlled study na inilathala noong January 2016 sa scientific journal na Hypertension, ang pag-inom ng Taurine supplement sa dose na 1,600 milligrams araw-araw ay epektibo na magpababa ng blood pressure sa mga prehypertensive. Ayon sa scientific article sa World Journal of Cardiology inilathala noong February 2014, ang Taurine ay nagpapababa ng blood pressure, nagpapabagal ng bilis ng tibok ng puso at nakatutulong maging normal ang tibok ng puso. Ito ay isa ring diuretic (nagpapaihi) na makatutulong sa mga pasyenteng may congestive heart failure at nagpapaganda ng function ng blood vessels. Tumutulong din ang Taurine na mabawasan ang insulin resistance sa mga indibidwal na mataas ang blood sugar.
Ang isa pang nutrient na makatutulong magpababa ng mataas na blood pressure ay ang omega-3 fatty acids. Sa dose na 2 grams araw araw ay napatunayan ng nagpapababa ng blood pressure sa loob lamang ng anim na linggo.
Ang coenzyme Q10 (CoQ10) deficiency ay dahilan din ng pagtaas ng blood pressure kaya’t ang supplementation ng CoQ10 ay isang paraan ng mga Naturopathic practitioners upang gamutin ang altapresyon. Gayundin ang soluble fiber na makikita sa black beans, lima beans, broccoli, avocado at camote.
Dahil ang soluble fiber ay nagpapataas ng insulin sensitivity, lumalaban upang pababain ang sympathetic stimulation at nagsisilbing diuretic, nakatutulong ito na mapanatiling mababa ang blood pressure.
Sa pag-aaral ni Dr. Mark Houston ng Hypertension Institute sa Nashville, Tennessee, sa bansang Amerika na inilathala sa World Journal of Cardiology, ang pag-inom ng Vitamin C, 250 milligrams, dalawang beses sa isang araw at ang pagkain ng mayaman sa Magnesium o pag-inom ng Magnesium supplement sa dose na 500 hanggang 1,200 milligrams araw-araw ay epektibo na magpababa ng blood pressure. Maaari ring epektibo ang Vitamin B6 (Pyridoxine) dahil ayon sa pag-aaral nina Dr. Richard Keniston at Dr. John Enriquez, Sr. ng William Beaumont Army Medical Center sa El Paso, Texas, USA ay marami sa may high blood pressure ang may kakulangan sa Vitamin B6.
Tandaan lamang na maaaring magsama ang epekto ng mga nabanggit na natural supplements sa pagbaba ng blood pressure kaya’t makabubuti na ma-monitor ang iyong blood pressure habang umiinom ng isa o ilan man sa mga nabanggit ng nga natural supplements. Makatutulong din ang pagsangguni sa mga Naturopathic practitioners o doktor na may kaalaman sa naturopathic medicine.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com