ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 11, 2023
Doc Erwin,
Ako ay isang ina na may anak na 13 taong gulang na kasalukuyang nasa Grade School.
Mula nang pumasok sa eskuwela ang aking anak ay nag-umpisa na ang kanyang pagtaba. Ayon sa school clinic ay overweight ang aking anak sa nakaraang tatlong taon.
Ayon sa doktor ng school clinic ay maaaring kulang sa sapat na oras ng pagtulog ang aking anak kaya’t patuloy na tumataas ang timbang ng aking anak ng higit pa sa normal. Ang aking anak ay karaniwang natutulog ng 6 na oras gabi-gabi. May koneksyon ba ang haba ng tulog ng aking anak sa kanyang patuloy na pagtaba? - Katrina
Maraming salamat Katrina sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.
Batay sa Harvard School of Public Health, ang pagtulog nang sapat gabi-gabi ay isa sa mga susi sa kalusugan at tamang timbang o healthy weight. Ayon sa kanila, malakas ang ebidensya na galing sa mga research studies na ang kakulangan sa sapat na oras ng pagtulog, ang maaaring dahilan ng obesity epidemic o ang paglaganap ng pagtaba nang abnormal.
Sa isang study sa Great Britain na inilathala sa British Journal of Medicine noong 2005, kung saan pinag-aralan ang mahigit sa 8,000 kabataan, ang mga bata na may kakulangan sa oras ng pagtulog ay 45% na mas mataas ang risk na tumaba at maging obese.
Sa isang pinakamalaki at pinakamahabang pag-aaral naman sa Amerika na tinaguriang Nurses’ Health Study, ang mga kababaihan na natutulog ng 5 oras o mas mababa pa ay 15% na mas mataas ang risk na tumaba at maging obese kaysa sa mga indibidwal na natutulog ng 7 oras. Lumabas ang resulta ng pag-aaral na ito sa American Journal of Epidemiology noong 2006.
Sa isang critical analysis ng epidemiological evidence sa Europa, kung saan 71 original studies ang sinuri ng mga siyentipiko sa pangunguna ni Dr. Nielsen ng Copenhagen University Hospitals sa Denmark, ay nakita na ang kakulangan sa oras ng pagtulog ay “consistently associated with development of obesity” sa mga kabataan at young adults.
Nailathala sa scientific journal na Obesity Review ang resulta ng meta analysis na ito noong February 2011.
Sa isang prospective cohort study sa bansang New Zealand na pinangunahan ni Dr. Carl Erik Landhuis ng Dunedin School of Medicine ng University of Otago, nakita na ang bawat isang oras na kakulangan sa tamang oras sa pagtulog ng mga kabataan ay may kaakibat ng 50% na pagtaas ng risk of obesity sa edad na 32. Inihayag ang resulta ng pag-aaral na ito sa medical journal na Pediatrics noong November 2008.
Maraming pang mga pag-aaral ang nagpapakita ng epekto ng kakulangan ng oras sa pagtulog sa pagtaba o obesity. Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit tumataba ang mga indibidwal na mahilig magpuyat o kulang ang oras ng tulog?
Ayon sa isang study sa Howard Hughes Medical Institute sa Stanford University sa California, USA, ang kakulangan sa oras ng pagtulog ay nagreresulta sa hormonal imbalance kung saan bumababa ang level ng hormone na leptin at tumataas naman ang hormone na tinatawag na ghrelin.
Ang leptin ay ang hormone na nagbibigay sa atin ng pakiramdam na kabusugan. Dahil sa pagbaba ng level nito, kinakailangang kumain pa tayo ng mas marami upang makaramdam ng kabusugan. Ang hormone na ghrelin naman ay nagpapagana sa atin na kumain kaya’t kung may kakulangan ang oras ng ating pagtulog ay tumataas ang level ng ating ghrelin sa katawan kaya’t mas magana tayong kumain.
Sa madaling salita dahil kulang sa oras ng pagtulog ay mas lalo tayong ginaganahan sa pagkain dahil sa pagbaba ng level ng leptin at pagtaas ng level ng ghrelin.
Ilang oras ba ang sapat na haba ng tulog para sa iyong anak na 13 taong gulang? Ayon sa Center for Disease Control o CDC ng Amerika, kinakailangan ng 8 hanggang 10 oras na tulog ang mga kabataan na may edad na 13 hanggang 18 taong gulang.
Mas makabubuti sa iyong anak ang madagdagan ang oras ng kanyang tulog, kumain ng masustansyang pagkain at tamang exercise regimen upang makaiwas sa abnormal na pagtaba o obesity.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan po kayo ay mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com