ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | July 20, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay nakatira sa barangay na malayo sa siyudad kung saan walang drugstore at malayo sa health center. Karaniwan na naming kinokonsulta ang aming albularyo tungkol sa mga pang-araw-araw na sakit. Kadalasan ay gumagamit ang aming albularyo ng iba’t ibang preparasyon ng dahon ng guyabano upang gamutin ang sugat, sakit sa balat, ubo at sipon. Ano ba ang guyabano? At anu-ano ang health benefits nito, ayon sa pag-aaral ng mga siyentipiko? – Pablo
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc tungkol sa inyong unang katanungan, ayon sa Ecosystems Research and Development Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang guyabano ay isang uri ng fruit tree na karaniwan nakikita sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Ito ay tinatawag din na “soursoup” o sa scientific name nitong Annona muricata Linnaeus — ito rin ay tinatawag sa pangalang “Graviola” sa Brazil at “Guanabana” sa Español.
Makikita rin ito sa ibang bansa, tulad ng Bahamas, Brazil, Chile, Mexico, Puerto Rico, Sri Lanka, Trinidad and Tobago at sa Virgin Islands sa bansang Amerika. Ito ay itinuturing na exotic fruit sa bansang India, China, Nigeria, Sierra Leone, Thailand at Vietnam. Dinala ito sa ating bansa mula sa bansang Mexico sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon trade.
Ayon sa philippineherbalmedicine.org ang guyabano ay mayaman sa carbohydrates, Vitamin C, Vitamin B1 at B2, potassium at fiber. Mababa ito sa saturated fat, cholesterol at sodium. Dahil ito ay masustansiya, ang hinog na guyabano ay karaniwan ng kinakain bilang dessert. Ginagawa rin itong fruit bars, candies, shakes, ice cream, wine at guyabano fruit drink.
Bukod sa sustansiyang idinudulot nito ay ginagamit din ito sa panggagamot bilang herbal medicine sa iba’t ibang bansa, tulad ng Brazil, Africa, Haiti, Malaysia, Trinidad and Tobago at Amerika.
Ayon sa artikulo na inilathala sa scientific journal na Carcinogenesis noong April 2018, sa Amerika ay ginagamit ito na gamot sa kanser, fungal infection, at sa high blood pressure (hypertension). Kaya’t ang albularyo sa inyong barangay ay hindi nag-iisa sa paggamit ng guyabano sa panggagamot ng iba’t ibang sakit.
Ito ay karaniwang ginagamit bilang herbal remedy sa paggamot sa ubo, lagnat at sa scurvy. Ang dinurog na dahon ay ginagamit sa pigsa, impeksiyon ng sugat, scabies, rayuma, sakit sa balat, tulad ng eczema.
Ang dahon nito ay inilalaga upang gamitin bilang pampaihi, pampaantok, pampababa ng mataas na blood pressure, pampurga, insect repellant at pamatay-kuto. Ito ay ginagamit din panlaban sa anxiety attacks. Ang nilagang dahon ay nilalagyan ng asin upang ipanggamot sa mga karamdaman na may kinalaman sa ating panunaw (digestive disorders) at sa fatigue.
Ang juice mula rito ay iniinom bilang herbal remedy para sa impeksiyon sa ihi, pagdugo sa ihi at mga sakit sa atay.
Dumako tayo sa mga makabagong pag-aaral ng mga siyentipiko upang masagot natin ang iyong pangalawang katanungan. Sa scientific journal na Carcinogenesis na inilathala noong 2018, sinabi ng mga siyentipiko na nakitaan ito ng anti-cancer, anti-inflammatory at anti-oxidant properties.
Ang anti-cancer activity nito ay nakita laban sa pancreatic cancer, colon cancer, lung cancer, prostate cancer, breast cancer, head and neck cancer, lymphoma, leukemia at multiple myeloma. Ayon sa pag-aaral na nabanggit, iba’t ibang mekanismo ang ipinapakita ng guyabano sa paglaban sa kanser.
Ang inflammation sa ating katawan ang sinasabing mekanismo o dahilan ng maraming sakit, tulad ng asthma, arthritis, Crohn’s disease, Alzheimer’s disease, sakit sa puso, diabetes, high blood pressure at cancers. Sa mga scientific studies ay nakitaan ang guyabano ng anti-inflammatory activity, kung saan pinipigilan nito ang inflammation sa pamamagitan ng paglaban nito sa mga tinatawag na inflammatory mediators. Dahil dito ay maaaring makatulong ang guyabano sa pagpigil o paggamot ng mga sakit na nabanggit.
Nakitaan din ng pagpapabilis ng paggaling ng sugat (wound healing properties) ang guyabano kung saan ang extracts galing sa dahon at tree bark ng guyabano ay nakapagpapabilis ng apat na phases ng wound healing — coagulation, inflammation, proliferation at tissue makeover.
Dahil sa kakulangan ng espasyo ay hindi natin mababanggit ang lahat ng potential health benefits nito. Gayunman, nararapat ding banggitin natin na kailangan pa ng safety studies at ang masusing pag-aaral sa toxicological profile ng guyabano.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com