ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 13, 2021
Dear Doc Erwin,
Isa sa aking mga health supplements ay ang mineral na Zinc. Ayon sa health magazine ay makaiiwas sa iba’t ibang sakit kung kakain ng mga pagkaing mayaman sa Zinc.
Dahil sa hindi sapat ang aking pang-araw-araw na pagkain upang makamit ko ang sapat na dami ng Zinc ay minabuti kong uminom na lamang ng Zinc bilang health supplement. Ako ay 21 years old at kasalukuyang nag-aaral. Makabubuti ba ang Zinc supplement sa aking kalusugan? – Francis L.
Sagot
Maraming salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Zinc ay essential mineral dahil ito ay kinakailangan ng ating katawan. Dahil ito ay hindi kayang gawin ng ating katawan at walang storage system para sa Zinc ang ating katawan, kailangan makuha natin ito mula sa ating pang-araw-araw na pagkain.
Ayon sa Food and Nutrition Board ng Institute of Medicine ng National Academies sa Amerika at inilathala ng Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ang Recommended Dietary Allowance (RDA) ng Zinc para sa iyong edad na 21, 11 milligrams bawat araw. Sa babae na mula 19 years old pataas ay 8 milligrams. Mula sa bagong panganak na sanggol hanggang 18 years old ay kinakailangan nila mula 2 milligrams hanggang 11 milligrams.
Ang buntis ay kailangan ng 11 milligrams, samantalang ang lactating mother naman ay 12 milligrams ng Zinc sa araw-araw.
Makikita sa rekomendasyon sa itaas na kailangan ang mineral na Zinc mula pagkapanganak hanggang sa pagtanda. Ayon sa Understanding Zinc: Recent Observations and Interpretations sa scientific publication na Journal of Laboratory and Clinical Medicine na nailathala noong September 1994, kailangan ng ating katawan ang Zinc sa mahigit sa 200 enzymatic activities.
Napag-alaman sa iba’t ibang pananaliksik ng mga siyentipiko at inilathala ng National Institutes of Health ng Amerika na may kinalaman ang Zinc upang maayos na gumana ang ating immune system, sa protein synthesis, paggaling ng sugat, sa DNA synthesis at sa function ng cells.
Sumusuporta rin ito sa ating growth and development mula sa pagbubuntis, hanggang sa paglaki.
Kailangan din ang Zinc upang tayo ay makaamoy at para sa ating panglasa.
Ang mga pagkaing mayaman sa Zinc ay ang oysters, baka, baboy, manok at yamang dagat, tulad ng crab at lobster. Makukuha rin ang zinc sa beans, nuts, whole grains at dairy products (cheese, yoghurt at milk).
Mas maraming Zinc ang naa-absorb ng katawan mula sa mga karne kompara sa mga nagmumula sa halaman (whole grain, cereals at legumes), dahil sa huli ay naglalaman ng tinatawag na phytates na pumipigil sa pag-absorb ng katawan ng Zinc. Mas makabubuting ibabad ng ilang oras ang mga seeds, beans at grains bago lutuin upang mas maraming Zinc ang ma-absorb ng ating katawan.
Ang inidibidwal na may sakit na chronic diarrhea, mal-absorption syndrome, chronic liver at kidney disease, at ang mga pasyente na may diabetes ay maaaring magkaroon ng pagkukulang sa Zinc (Zinc deficiency).
Gayundin, ang mga vegetarians, nagbubuntis at nagpapasuso at alcoholics. Ang may Zinc deficiency ay kinakailangang uminom ng Zinc bilang health supplement kung hindi sasapat ang Zinc na makukuha nila sa pagkain.
Ano ang mga sintomas ng indibidwal na may Zinc deficiency? Kapag kulang ang Zinc ng katawan ay maaaring mawalan ng ganang kumain, mangayayat, hindi gumaling ang sugat, at maaaring maiba ang panlasa at mahirapan mag-isip. Sa mga severe cases, maaaring magkaroon ng alopecia (pagkakalbo), pagkakasakit sa mata at balat. Sa kabataan, maaaring magkaroon ng pagtatae at growth retardation.
Sa kalalakihan, lalo na ang alcoholics, ang Zinc deficiency ay maaaring magdulot ng impotence at sintomas ng hypogonadism (pagkukulang ng male hormone na testosterone).
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, ang kakulangan ng Zinc ay makakaapekto sa ating kalusugan. Ang Zinc deficiency ay makakapagpahina ng ating immune system. Ang mga panlaban natin sa infection ay hihina. Ayon sa randomized controlled trial, kung saan ang resulta ay inilathala sa American Journal of Clinical Nutrition nuong October 2007 ay nakitang nakatutulong ang Zinc upang mabawasan ng pagkakasakit ng pneumonia ang mga senior citizens.
Ayon din sa mga pag-aaral ng mga siyentipiko, makatutulong ang Zinc sulfate sa paggamot ng skin ulcers. Ginagamit din ang Zinc supplements sa mga batang mayroong diarrhea, at ganun din upang maiwasan ang pagkakaroon ng diarrhea. Inirerekomenda ng World Health Organization at UNICEF ang pagbibigay ng short-term Zinc supplementation sa mga batang may acute diarrhea.
Ayon sa Cochrane review, makatutulong ang Zinc syrup at lozenges sa paggamot ng sipon kung ito ay maibibigay sa unang 24-hours sa pagsisimula ng sintomas. Hindi naman inirerekomenda ang paggamit ng intranasal zinc gel or spray dahil sa hindi magandang epekto nito sa pang-amoy ng pasyente.
Ayon sa Age Related Eye Disease Study (AREDS) ay makatutulong maiwasan ang pagkabulag dahil sa age-related macular degeneration kung iinom ng Zinc supplement at mga anti-oxidants, tulad ng Vitamins C, E at Beta Carotene.
Dahil sa mga nabanggit na benepisyo ng pagkain ng mayaman sa Zinc o pag-inom ng Zinc supplement ay makabubuti ito sa iyong kalusugan sa tamang dami ng pagkain ng mayaman sa Zinc o dosage ng Zinc supplement.
Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com