ni Dr. & Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 27, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay 28 years old, may asawa at isang anak. Mula college ay unti-unting tumaas ang aking timbang at ngayon ay 210 pounds na ako. Dahil dito ay sumali ako sa weight loss program kung saan pinaiinom kami ng Carnitine. Ano ba ang Carnitine? Makatutulong ba ito sa aking pagpayat? May side-effects ba ang pag-inom nito? – Imelda O.
Sagot
Maraming salamat Imelda sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang Carnitine ay natural compound na binubuo ng amino acids na lysine at methionine.
Ito ay ginagawa ng ating katawan mula sa amino acids na nanggagaling sa ating kinakain. Halos lahat ng cells sa ating katawan ay mayroong Carnitine kung saan tumutulong ito upang dalhin ang fatty acids sa mitochondria sa loob ng ating cells, kung saan kino-convert ang fatty acids sa energy. Dahil sa nasabing role nito sa metabolism ng fat ay naging popular ito bilang dietary supplement para sa pagpapapayat o weight loss.
Bukod sa ating katawan at Carnitine supplements ay mayroon ding Carnitine sa mga pagkain natin, tulad ng karne, isda, itlog at sa gatas.
Nakatutulong ba ang pag-inom ng Carnitine supplements sa pagpayat? Sa systematic review at meta-analysis ng siyam na randomized controlled trials pinag-aralan ang epekto ng Carnitine supplementation sa pagbaba ng timbang (weight loss) ng 911 participants. Ang dose ng Carnitine sa mga pag-aaral ay mula sa 1.8 to 4 grams kada araw ng L-Carnitine, isang uri ng Carnitine, na ibinigay sa mga participants sa loob ng 30 hanggang 360-araw.
Ang mga participants na uminom ng Carnitine supplements ay bumaba ang timbang ng 1.33 kilograms ng mas higit kaysa sa ibang participants na hindi uminom ng Carnitine supplements.
Pinag-aralan na rin ang epekto sa pagbaba ng timbang dahil sa Carnitine supplements kasama ang Orlistat sa 251 participants na may uncontrolled Type 2 diabetes. Ang pag-aaral na ito ay inilathala sa Endocrinology Journal noong 2010. Ayon sa researchers ng pag-aaral, mas bumaba ang timbang ng participants na uminom ng Carnitine kasama ng Orlistat kaysa sa participants na uminom lamang ng Orlistat.
May side-effects ba na mararanasan kung iinom ng Carnitine supplements? Ayon sa ilang scientific literature na binanggit ng Office of Dietary Supplements ng National Institutes of Health ng Amerika ay maituturing na safe ang pag-inom ng Carnitine supplements sa dose na hanggang 4 grams kada araw. Ang indibidwal ay maaaring makaranas ng pagsusuka, abdominal cramps at pagtatae. Maaari ring mapansin na ang pag-inom ng Carnitine supplements ay maaaring magdulot ng fishy body odor sa ilang umiinom nito.
Dahil sa mga nabanggit na pananaliksik ng mga siyentipiko ay maaaring makatulong ang Carnitine sa iyong pagpayat. Tandaan, ang body response sa anumang dietary supplement, tulad ng Carnitine ay kakaiba sa bawat indibidwal. Maaaring makaranas ng ilan sa mga side-effects na nabanggit sa itaas o maaari ring hindi. Mas mataas ang posibilidad ng makaranas ng side-effects kung ikaw ay lalampas sa nabanggit na dose na 4 grams kada araw ng Carnitine.
Mas makabubuting maging mapanuri sa bawat dietary supplement na iinumin at masusing pag-aralan kung ito ay nakatutulong o hindi.
Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com