ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 14, 2021
Dear Doc Erwin,
Ako ay 30 years old at nagtatrabaho sa ahensiya ng gobyerno. Bata pa lang ako ay nagkaroon na ako ng arthritis. Matapos akong magpakonsulta sa espesyalista, sinabi sa akin na ako ay may rheumatoid arthritis. Mula noon ay uminom na ako ng mga gamot upang maibsan ang pamamaga at sakit sa aking mga joints sa kamay at paa.
Dahil sa kamahalan ng mga gamot na inireseta sa akin ay pinalitan ko ito ng generic na gamot, ang ibuprofen, na nakatulong naman na maibsan ang sakit na aking nararamdaman. Kamakailan ay nabasa ko sa newspaper na makatutulong sa aking rheumatoid arthritis ang turmeric o curcumin.
Ano ba ang rheumatoid arthritis? Ano ang sanhi nito? Makatutulong ba ang turmeric o curcumin sa aking rheumatoid arthritis? Maaari ko ba itong ipalit sa aking gamot na ibuprofen? Sana ay mapaliwanagan n’yo ako tungkol dito. – Raul S.
Sagot
Maraming salamat Raul sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang iyong sakit na rheumatoid arthritis ay isang uri arthritis kabilang sa mahigit 100 klase ng arthritis. May isa hanggang dalawang porsiyento ng mga adults sa buong mundo ay may rheumatoid arthritis. Karamihan ay may osteoarthritis, na ang kadahilanan ay ang mga pagbabago sa ating katawan dahil sa pagtanda. Kasama sa mga pagbabago ang bumababang kakayanan ng katawan na labanan ang inflammation, ang muscle wasting dahil sa pagtanda o tinatawag na sarcopenia, at dahilan din ang mabilis na bone turnover dala ng ating pagtanda.
Ang rheumatoid arthritis ay autoimmune disease kung saan ang sarili nating immune system, na tumutulong sa katawan upang labanan ang infection at iba’t ibang sakit ay umaatake laban sa joint tissues na nagiging sanhi ng pamamaga at pagsakit nito.
Maaaring ang dahilan nito ay genetic o mula sa iyong genes at ang infection gawa ng virus o bakterya ay maaaring mag-trigger ng sakit na ito. Mas mataas ang posibilidad na magkaroon nito ang mga babae, ang indibidwal na may family history ng rheumatoid arthritis. Mas mataas din ang risk ng mga naninigarilyo at overweight na magkaroon ng sakit na ito.
Bagama’t maraming klase ng arthritis, at magkakaiba ang mga kadahilanan nito, ang mga sintomas at paraan ng paggamot ay halos magkakapareho. Kadalasan ginagamit ang mga analgesics, steroids at non-steroidal anti-inflammatory drugs o NSAIDs tulad ng Ibuprofen upang gamutin ang rheumatoid arthritis at iba pang klase ng arthritis. Ang mga gamot na nabanggit ay nakatutulong upang mabawasan ang sakit at pamamaga ng mga joints.
Ang turmeric ay galing sa ugat ng halaman na may scientific name na Curcuma longa.
Ang halamang ito ay makikita sa India at iba’t ibang bansa sa southeast asia, tulad ng Pilipinas. Ayon kay Dr. Robert Ashley ng University of California sa Los Angeles, ang turmeric ay matagal ng ginagamit sa Ayurvedic medicine laban sa inflammation at pain.
Tungkol sa iyong tanong kung ang turmeric o curcumin ay makatutulong sa mga sintomas ng iyong arthritis, may pag-aaral na tungkol d’yan. Inilathala noong August 2016 sa Journal of Medicinal Food ay ikinumpara ang epekto ng turmeric o curcumin sa placebo at sa mga gamot na ginagamit laban sa arthritis pain, tulad ng ibuprofen, diclofenac at glucosamine. Sa pananaliksik na ito ay napag-alamang nabawasan ang arthritis pain sa indibidwal na uminom ng turmeric at ang epekto na ito ay kahalintulad ng epekto ng ibuprofen at diclofenac.
Tandaan, maaaring may mga side-effects ang pag-inom ng turmeric o curcumin, tulad ng sore throat, kabag, pamamaga ng paligid ng mga mata at pangangati. Ang mga sid-effects na ito ay kadalasan mararanasan kung ang dose ng turmeric o curcumin ay lalagpas sa 1,200 milligrams.
Kung ninanais mong ipalit ang turmeric o curcumin sa iyong gamot na ibuprofen dahil sa nabanggit na research study ay makabubuting sumangguni muna sa doktor.
Sana ay nasagot ng artikulong ito ang inyong mga katanungan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com