ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | June 18, 2022
Sa pagpatuloy ng ating serye kung paano mapahaba ang buhay (lifespan) at ang pagiging malusog na pangangatawan (healthspan), pag-usapan naman natin ang gamot na pamilyar ang marami na may sakit na diabetes. Ito ay ang metformin.
Ang metformin ay isa sa mga gamot na popular gamitin sa buong mundo. Ito ay nasa Model List of Essential Medicines ng World Health Organization, isang listahan ng pinaka-epektibo, safe at cost-effective na gamot.
Bukod sa pagiging epektibo, mura at safe na gamot sa sakit na Type 2 diabetes, ang metformin ay sikat din bilang “longevity pill” o gamot na nakapagpapahaba ng buhay.
May basehan nga ba ang popularidad ng metformin bilang longevity pill? Ayon kay Dr. David Sinclair, sa mga pag-aaral sa laboratoryo ni Dr. Rafael de Cabo sa National Institutes of Health sa Amerika, maaaring makapagpahaba ng buhay ang pag-inom ng low dose metformin. Bukod sa epekto nitong 6 na porsiyentong dagdag sa haba ng buhay ay napapababa rin nito ang cholesterol at nai-improve ang physical performance.
Ayon pa rin kay Dr. Sinclair, sa 26 na research studies, 25 dito ay nagpapakita ng pagbibigay-proteksyon ng metformin laban sa cancer at sa pag-aaral ng 41,000 indibidwal na nasa edad na 68 hanggang 81 na umiinom ng metformin, nabawasan ang likelihood ng pagkakaroon ng dementia, sakit sa puso, cancer, panghihina at depression. Nababawasan ng metformin hanggang 40 percent ang risk na magkaroon ng lung, colorectal, pancreatic at breast cancer.
Paano nga ba nagagawa ng metformin ang mga binanggit na epekto nito? Ayon kay Dr. Sinclair, ang epekto ng metformin ay katulad din ng epekto ng caloric restriction. Sa cellular level, ina-activate nito ang enzyme na AMPK at ang longevity protein na SIRT1. Ini-inhibit din nito ang cancer cell metabolism.
Gaano katagal ang pag-inom ng metformin bago makita ang epekto nito? Ayon kay Dr. Sinclair, sa maliit na study, na-reverse ng metformin ang DNA methylation age ng blood cells sa loob lamang ng isang linggo sampung oras lamang matapos uminom ng metformin. Ngunit kinakailangan pa ang pag-aaral sa mas maraming indibidwal upang malaman kung gaano kabilis makikita ang anti-aging effect ng metformin.
Sa ngayon ay patuloy ang pag-aaral ng mga scientists, tulad ni Dr. David Sinclair ng Harvard Medical School at ni Dr. Nir Barzilai ng Albert Einstein College of Medicine tungkol sa aging at epekto ng metformin sa ating pagtanda. Positibo ang mga nasabing scientists na darating din sa madaling panahon na ang pagtanda (aging) ay ikokonsidera na bilang “treatable disease” at ang metformin ang gamot dito.
Ipagpapatuloy natin ang serye ng mga pamamaraan ayon sa mga scientific research kung paano mapahaba ang ating lifespan at healthspan sa mga susunod pa na artikulo. Ipagpatuloy n’yo lamang ang inyong pagsubaybay.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com