ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 11, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay 56 years old na empleyado sa pribadong kumpanya. Ilang buwan nang nakaraan ng mag-umpisa akong makaranas ng madalas na pag-ihi at tuwing ako ay umiihi ay nararamdaman ko na may natitira pang ihi sa aking pantog. Dahil dito, minarapat kong magpatingin sa doktor. Ako ay ini-refer sa urologist, na siya namang nag-request ng laboratory tests, kasama ang tumor markers.
Ano ang tumor markers? Bakit kinakailangang mag-request ang doktor ng tumor markers? Sana ay mabigyan ninyo ng sagot ang aking mga katanungan. - Rolando
Sagot
Maraming salamat Rolando sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Ang tumor marker ay mga substances, tulad ng protein, na pino-produce ng cancer cells o kaya ng mga normal cells in response sa cancer. Maaari rin mag-produce ng tumor marker ang mga hindi cancerous na tumor.
Maaaring makita ang tumor marker sa dugo, sa ihi o sa ating dumi. Maaari rin itong makita sa mismong tumor (bukol) at sa ibang body fluids, tulad ng tubig sa ating utak (cerebrospinal fluid).
Maraming uri ng tumor markers ang ginagamit ng mga doktor upang makatulong sa panggagamot o makatulong sa diagnosis ng cancer. Halimbawa, ang alpha-fetoprotein (AFP) na makikita sa dugo ay ginagamit para ma-diagnose ang liver cancer at masundan ang response ng pasyente sa gamutan. Ang Bladder Tumor Antigen (BTA) naman ay makikita sa ihi at ginagamit ito upang i-monitor ang cancer sa pantog (bladder). Ang tumor marker na CA 15-3 ay ginagamit sa diagnosis at monitoring ng breast cancer. Ang CA-125 naman na makikita rin sa dugo, tulad ng nabanggit na CA 15-3, ay mahalaga upang ma-diagnose, ma-monitor ang response sa gamutan at malaman kung muling bumalik ang ovarian cancer.
Base sa inyong binanggit na sintomas, maaaring nakararanas kayo ng paglaki ng inyong prostate. Ang mga tumor markers na ni-request ng inyong doktor ay maaaring may relasyon sa inyong prostate. Ang kadalasan na tumor marker upang ma—monitor ang kalagayan ng prostate ay ang Prostate-specific antigen (PSA) at ang Prostatic Acid Phosphatase (PAP).
Ang PSA ay ginagamit ng mga doktor upang makatulong ma—diagnose ang prostate cancer, malaman ang response sa gamutan at ma-monitor kung bumalik ang prostate cancer. Ayon sa National Cancer Institute ng Amerika, ginagamit din ang PSA ng mga doktor bilang screening at monitoring sa kalalakihang may edad na 50 pataas. Bukod sa prostate cancer, maaaring tumaas din ang PSA level kung may prostatitis (pamamaga ng prostate) o kung mayroong paglaki ng prostate (benign prostatic hyperplasia).
Matapos ninyong magpa-laboratory examination at tumor marker test ay kinakailangan bumalik at muling kumunsulta sa inyong doktor upang maipaliwanag sa inyo ang resulta ng examination ng mga tumor markers. Ang interpretasyon ng tumor markers ay ginagawa matapos ang iba pang diagnostic examination, tulad ng physical examination at imaging tests.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com