top of page
Search

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Apr. 7, 2025




Dear Doc Erwin, 

 

Ako ay isang empleyado at part time graduate student sa isang private school. Obese ako at may dalawang taon na ginagamot ang aking high blood sugar. Mahilig ako sa mga matatamis na pagkain kaya para mabawasan ko ang intake ko ng carbohydrate at sugar ay gumagamit ako ng Sucralose, isang kilalang sugar substitute, sa aking inumin at pagkain.


May nagsabi sa akin na maaaring makasama sa akin ang paggamit ko nito. Hindi ko ito pinansin dahil wala naman akong nararamdamang masamang epekto sa paggamit ko nito sa loob ng dalawang taon. Umiinom ako matagal na ng mga sugar-free diet soft drinks na may halong Sucralose na pampatamis.


Nais ko sanang malaman kung ano ang Sucralose at may mga research studies na ba ang mga scientists tungkol sa epekto ng Sucralose sa ating katawan?


Sana ay matugunan n‘yo ang aking mga katanungan. Maraming salamat. — John Jake 


 

Maraming salamat John Jake sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Mahalaga ang iyong katanungan dahil ang Sucralose ay isa sa mga malaganap na food additive sa buong mundo na inihahalo sa mga inumin at pagkain upang ito ay tumamis at mas lalong sumarap. Ginagamit itong pampatamis sa mga kilalang diet soft drinks.


Ayon sa mga pag-aaral, ang Sucralose ay kasalukuyang inihahalo sa mahigit na 4500 pagkain at inumin at pinaniniwalaan na higit pa itong lalakas sa merkado sa mga darating na panahon.


Ano nga ba ang Sucralose? Ang Sucralose ay hindi sinasadyang nadiskubre noong 1976 ni Shashikant Phadnis, isang estudyante na graduate ng King’s College sa bansang United Kingdom, habang nag-eksperimento kasama ang mga researcher ng Queen Elizabeth College ng University of London. Mula noon ay naging bantog na artificial sweetener ang Sucralose. Bukod sa 600 times na mas matamis kaysa asukal, may bacteriostatic effect din ito kaya’t  nakaka-prevent ng pagkasira ng ngipin ang Sucralose.


Noong 1998, na-classify ang Sucralose bilang safe product ng Joint Committee of Experts on Food Additives ng World Health Organization (WHO) at itinalaga sa 15 milligrams per kilogram body weight ang safe na acceptable daily intake nito. Sinabi rin ng FDA ng bansang Amerika na safe ang Sucralose sa mga bata at sa mga taong may sakit na diabetes. 


Ngunit nito lamang May 15, 2023 ay naglabas ng advisory ang WHO sa paggamit ng mga non-sugar sweeteners (kasama ang Sucralose). Inihayag ng WHO na walang clear consensus kung ang mga non-sugar sweeteners ay epektibo sa long-term weight control at kung may long-term health effects sa mga regular na gumagamit nito. 


Batay din sa advisory na ito na ayon sa mga observational studies ang matagalang paggamit ng mga non-sugar sweeteners ay nakakataba at maaaring tumaas ang risk na maging obese. Sinabi ng WHO sa advisory na ito na ang matagal na paggamit ng non-sugar sweeteners ay “associated with increased risk of type 2 diabetes, cardiovascular diseases (CVDs) and mortality”, ayon sa mga prospective cohort studies.


Sa pinakabagong research study na na-publish nito lamang March 26, 2025 sa scientific journal na Nature Metabolism, napag-alaman na may epekto ang Sucralose sa activity ng hypothalamus, isang parte ng ating utak (brain) na nagre-regulate ng ating ganang kumain (appetite) at ating body weight.


Sa pag-aaral na ito na pinangunahan ng mga scientist mula sa Keck School of Medicine sa University of Southern California, nakita ng mga researcher na ang Sucralose ay nakakapagpataas ng pakiramdam ng gutom (feelings of hunger). Tumataas din ang activity ng hypothalamus, dahilan kung bakit mas ginaganahan kumain, lalo na sa mga individual na obese. 


Kakaiba ang nabanggit sa itaas sa epekto ng asukal (sugar) dahil ang asukal ay nagti-trigger ng release ng mga hormones na nagpaparamdam sa atin ng pagkabusog. Dahil walang calories ang Sucralose, hindi ka makakaramdam ng pagkabusog at maaari pang maging dahilan ng “rebound overeating”.


Napatunayan na rin sa mga nakaraang pag-aaral na nakakaapekto ang Sucralose sa ating gut microbiome. Dahil 600 times na mas matamis ang Sucralose sa asukal (sugar), maaaring makaapekto sa ating panlasa ang paggamit ng Sucralose dahil tataas ang threshold ng ating panglasa sa matamis. 


May mga potential toxicities din ang Sucralose kung ito ay gagamitin sa baking at pagluluto dahil sa metabolites nito na chloropanols, dioxin-like polychlorinated bipenyls at polychlorinated aromatic hydrocarbons (PCAH). 


Ayon pa sa isang study na nailathala noong 2023 sa Journal of Toxicology and Environmental Health, ang metabolite ng Sucralose na sucralose-6-acetate ay genotoxic at maaaring maka-activate ng mga genes natin na makaka-increase ng inflammation, oxidative stress at pagkakaroon ng cancer. 


Kung gusto pang malaman ang mga epekto ng Sucralose sa ating katawan, basahin lamang ang research study na pinangunahan ni Dr. Jose Alfredo Aguayo-Guerrero ng Laboratory of Immunometabolism, Research Division, General Hospital of Mexico. Inilathala ang research study na ito sa scientific Journal na Life (Basel) noong February 29, 2024.


Dahil sa mga nabanggit, mas makakabuti sa’yong kalusugan ang paggamit ng natural sugar at honey sa iyong mga inumin at pagkain. Gamitin lamang ang mga ito in moderation.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Dec. 2, 2024




Dear Doc Erwin, 


Nabasa ko ang mga isinulat n’yong artikulo tungkol sa health benefits ng Metformin na panlaban sa diabetes, at laban sa mga sakit na kaakibat ng pagtanda. 


Nais ko sanang malaman kung nakakatulong din ang Metformin kontra sa kanser. May mga pag-aaral na ba ang mga dalubhasa tungkol sa epekto ng Metformin upang maiiwas ang tao sa malubhang sakit ng kanser? — Alexander



 

Maraming salamat Alexander sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.

 

Sa mga nakaraang artikulo ng Sabi ni Doc ay napag-usapan natin ang maraming health benefits ng “wonder drug” na ito na unang ginamit ng mga European chemists na sina Emile Werner at James Bell noong 1922. Ang Metformin ay galing sa herb na French lilac o goat’s rue. Ang halaman na ito ay may scientific name na Gallega officinalis.


Ang Metformin ay hindi lamang tanyag sa buong mundo bilang gamot sa iba’t ibang uri ng diabetes, napatunayan din na ito ay may beneficial therapeutic effects laban sa metabolic syndrome, fatty liver disease at hyperlipidemia. Ito ay mura at ayon sa mga dalubhasa ay may very minimal na side effects. 


Kasalukuyang ginagamit na rin ang Metformin na kabilang sa mga gamot laban sa polycystic ovarian syndrome o PCOS.


Sa ibang bansa katulad ng Amerika, sa pangunguna nina Dr. David Sinclair ng Harvard Medical School at Prof. Nir Barzilai ng Albert Einstein College of Medicine, ay pinag-aaralan na sa mga clinical trials ang Metformin bilang anti-aging drug. Dahil sa anti-inflammatory, anti-oxidant effects ng Metformin, pati na sa pag-promote nito ng cellular repair at pag-improve ng insulin sensitivity, naniniwala ang maraming dalubhasa na mapapahaba ng Metformin ang health span at ang buhay ng tao. May mga dalubhasa na nagbansag sa Metformin bilang isang “longevity drug”.


Ngunit hindi rito natatapos ang mga health benefit ng Metformin. Ayon sa isang pag-aaral ng mga scientist na inilathala sa medical journal na Cancer Management Research noong April 17, 2019, may sampung mekanismo ang Metformin na panlaban sa kanser (anti-cancer effects). Ayon din sa pag-aaral na ito may ebidensya na ang Metformin ay nakaka-prevent ng paglaki ng lung cancer, prostate at colon cancer. Base sa resulta ng Taiwan National Health Insurance Data Survey sa pag-aaral nito ng mahigit na 12,000 pasyente mula taon 2000 hanggang 2007, ang pag-inom ng Metformin ay nakababa ng 88% ng likelihood na magkaroon ng maraming uri ng kanser. 


Sa pag-aaral ng 195 patients sa loob ng mahigit na 9 na taon na inilathala noong taong 2009 sa scientific journal na Acta Diabetologica, ang pag-inom ng Metformin sa loob lamang ng 36 months ay nagresulta sa significant reduction sa risk na magkaroon ng kanser.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Marso 18, 2024




Dear Doc Erwin,


Ako ay 45 years old, arkitekto at may pamilya. Recently ay nagpakonsulta ako sa isang urologist dahil sa problema ko sa pag-ihi. Matapos ang mga diagnostic examinations ay sinabi sa‘kin na lumalaki ang aking prostate kaya bumabagal na ang aking pag-ihi. Ako ay niresetahan ng gamot at regular ko itong iniinom. Effective naman kaya maganda ang pagdaloy ng aking ihi.


Ngunit ako ay nag-aalala dahil may family history ako ng sakit sa prostate. Ang aking ama ay namatay noon sa prostate cancer. Gusto ko sana na makaiwas sa sakit na ito.


Mayroon bang mga natural na pamamaraan upang makaiwas o kaya ay mapababa ang aking risk na magkaroon ng prostate cancer? Halimbawa, may mga pagkain ba or supplement na maaaring inumin na makakatulong magpababa ng risk sa prostate cancer? Sana ay masagot n’yo ang aking mga katanungan. -- Mariano


Maraming salamat Mariano sa iyong pagliham at pagtangkilik sa Sabi ni Doc column at sa BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan, ayon sa mga research ng mga dalubhasa.


May mga kadahilanan kung bakit nabubuo ang isang sakit katulad ng cancer. Ang paglaki at pagkalat ng cancer sa ating katawan ay may mga rason din. Isa sa mga kadahilanan ng mabilis na paglaki at pagkalat ng cancer ay ang “angiogenesis” o ang pagtubo ng mga blood vessels na nagsu-supply ng dugo at nutrients sa mga cancer cells. Dahil sa mga nutrients na dala ng mga blood vessels na ito, mabilis dumarami ang mga cancer cells, lumalaki at lumalaganap ang cancer sa ibang bahagi ng katawan.


May mga pagkain na may anti-angiogenic properties. Ang ibig sabihin ng “anti-angiogenic” ay nilalabanan nito ang pagtubo ng mga blood vessels na susuporta sa paglaki at paglaganap ng cancer.


Sa isang systematic review at meta-analysis study kung saan sinaliksik ng mga dalubhasa ang epekto ng pagkain ng mga produkto galing sa soy beans (katulad ng tofu, miso, natto, tempeh at soy sauce) ay nakita nila ang pagbaba ng risk sa iba’t ibang cancer, kasama rito ang prostate cancer. Ang resulta ng pag-aaral na ito ay nailathala sa scientific journal na Nutrients noong 2018.


Ayon sa mga dalubhasa ang soy beans ay may mga sangkap na anti-angiogenic bioactives na tinatawag na mga “isoflavones” katulad ng genistein, equol, daidzein at glyceollins. Marami nito ang mga fermented soy beans. Halimbawa nito ay ang soy sauce, miso at tofu. Ang dietary supplement na gawa sa genistein at daidzein na tinatawag na “genistein concentrated polysaccharide” o GCP ay napatunayan sa mga pag-aaral na nakakapatay ng prostate cancer cells.


Isa pang pagkain na may mahusay na anti-angiogenic properties ay ang tomato o kamatis. Matagal ng nadiskubre ng mga scientist na may sangkap ito na lycopene, rutin at beta-cryptoxanthin. Pinakaimportante rito ang lycopene, dahil ito ay may potent inhibitory properties laban sa angiogenesis. Tandaan natin na mas marami ang lycopene ang balat ng kamatis kaysa sa laman ng kamatis. Mas madali ring ma-absorb ng ating katawan ang lycopene kung ang kamatis, tomato sauce o juice ay niluto. Dahil fat soluble ang lycopene, mas marami ang ma-absorb na lycopene ng ating katawan kung lulutuin ang kamatis sa olive oil.


Ayon sa Harvard Health Professionals Follow Up Study, kung saan pinag-aralan ang mahigit sa 46,000 na mga lalaki, ang mga kalalakihan na kumokonsumo ng 2 hanggang 3 cups ng tomato sauce sa isang linggo ay bumaba ng 30 porsyento ang risk na magkaroon ng prostate cancer. Nailathala ang pag-aaral na ito sa American Journal of Clinical Nutrition noong 2016.


Sa maraming pag-aaral na isinagawa ng mga tanyag na unibersidad katulad ng University of Chicago, Harvard University at University of Minnesota, ang pagkain ng gulay na broccoli ay nagpapababa ng 59 porsyento ng risk na magkaroon ng prostate cancer. Napababa rin ng broccoli ang risk na magkaroon ng ibang uri ng cancer katulad ng lung cancer, breast cancer at ovarian cancer. Makikita ang mga pag-aaral na ito sa mga scientific journals na Cancer Research (1993), International Journal of Cancer (2007, 2009, 2012) at sa Cancer Epidemiology, Biomarkers, and Prevention (2004).


Nadiskubre naman ng mga scientist sa Hiroshima University sa bansang Japan na ang Vitamin K2 ay may anti-angiogenic properties. Ayon sa mga researcher ng University of Illinois ay pinipigilan nito ang paglaki at paglaganap ng prostate cancer. Mayaman sa Vitamin K2 ang Natto, Kefir, egg yolk, sauerkraut at chicken liver. Mababasa ang mga research studies na ito sa mga scientific journal na Cancer Letters (2009) at sa Evidence-Based Complementary and Alternative Medicine (2013). 


Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan at sa pamamagitan ng mga research studies ng mga dalubhasa ay magabayan ka sa iyong mga nararapat na kainin upang makatulong na  mapababa ang risk sa sakit na prostate cancer.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. 


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page