ni Mary Gutierrez Almirañez | May 6, 2021
Pinaghahandaan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trials ng Ivermectin kontra COVID-19 sa darating na Hunyo at inaasahang magtatapos sa January 2022, kung saan nagkakahalaga ng P22 milyon ang nakalaang pondo na manggagaling sa Department of Health (DOH), ayon kay DOST Secretary Fortunato dela Peña.
Aniya pa, pangungunahan ni Dr. Aileen Wang ng UP-PGH Department of Medicine ang panel na magsasagawa ng trials sa loob ng 8 months.
Kabilang sa mga sasailalim sa clinical trials ay ang mahigit 1,200 asymptomatic at non-severe COVID-19 patients na mga Pinoy na may edad 18 pataas. Dagdag pa ni dela Peña, nakikipagtulungan din ang DOST kay Senator Richard Gordon at sa Philippine Red Cross (PRC) para sa mga pasilidad na pagdarausan ng trials.
Sa ngayon ay 5 ospital na ang pinahihintulutan upang ipainom ang Ivermectin sa pasyenteng may COVID-19, buhat nu’ng maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang isinumite nilang compassionate special permit (CSP).
Kaugnay nito, inianunsiyo rin ni dela Peña ang timetable ng iba pang isinasagawang clinical trials sa mga hinihinalang gamot kontra COVID-19, kabilang ang mga sumusunod:
• tawa-tawa (11 months)
• lagundi (July 13, 2020 - May 12, 2021; 11 months)
• virgin coconut oil for hospitalized COVID-19 patients (June 1, 2020 to May 31, 2021; 12 months)
• VCO for suspect and probable COVID-19 cases (May 1, 2020 - June 31, 2021; 14 months or more)
• melatonin (September 7, 2020 - June 6, 2021; 9 months)
• convalescent plasma (July 1, 2020 - June 30, 2021; 12 months)