ni Lolet Abania | January 7, 2021
Labing-apat na district engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot umano sa korupsiyon ang tinanggal sa serbisyo, ayon sa pahayag ni DPWH Secretary Mark Villar.
“Actually, ‘yung binanggit po ni Presidente (Rodrigo Duterte), na-relieve na,” sabi ni Villar sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.
“Labing-apat na ang na-relieve na sa trabaho,” dagdag pa niya.
Matatandaang noong nakaraang buwan, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na ang mga district engineers ng nasabing ahensiya na dawit umano sa corrupt practices ay dapat na alisin sa puwesto.
Hiningi rin ni Pangulong Duterte kay Villar ang listahan ng lahat ng district engineers sa bansa matapos mapag-alamang marami sa mga ito ang nakikipag-ugnayan sa mga kongresista sa gawain umano ng korupsiyon.
Ayon naman sa PACC, “Hindi bababa sa 12 congressmen ang sangkot sa korupsiyon sa DPWH."
Sinabi ni Villar na patuloy ang pagsisikap nila na linisin ang hanay ng kanilang ahensiya habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon. Bukas din ang DPWH na tumanggap ng reklamo laban sa sinumang opisyal at empleyado ng ahensiya.
“Tuluy-tuloy naman ang imbestigasyon namin sa lahat ng mga nagsa-submit ng reports,” sabi ni Villar.
“Humihingi kami ng tulong sa ibang ahensiya para magkaroon ng case build up sa ibang mga complaints,” dagdag ng kalihim.
Dagdag pa ni Villar, nakatakdang magsagawa ang DPWH ng reorganization ngayong buwan.
“Magkakaroon din kami ng rigodon sa loob ng department and marami ang magiging pagbabago. Tuluy-tuloy naman ang laban sa corruption,” ani Villar.
“Within the month definitely. Wino-workout na namin and definitely maipatutupad na ‘yan as soon as possible,” sabi pa ng kalihim.