ni Lolet Abania | October 13, 2021
Itinalaga bilang bagong Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary si Southern Leyte Rep. Roger Mercado, kapalit ni Mark Villar na tatakbo sa pagka-senador sa 2022 elections.
Sa post sa social media account ng mambabatas ngayong Miyerkules, makikita ang mga larawan habang nanunumpa si Mercado kay Executive Secretary Salvador Medialdea bilang bagong chief ng ahensiya. Sa 18th Congress, si Mercado ang pangunahing may-akda ng 66 measures at 26 co-authored measures rin ang kanyang naitala.
Nagsilbi naman bilang vice-chairperson ng House Committee on Public Works and Highways si Mercado. Isang deputy majority leader sa Kongreso, si Mercado ay miyembro rin ng Committees on Agriculture and Food, Energy, Flagship Programs and Projects, Natural Resources, Persons with Disabilities, Public Order and Safety, Tourism, at Trade and Industry. Bago pa ang 18th Congress, nagsilbi na si Mercado sa 8th, 9th, 10th, 13th, 14th, 15th at 17th Congresses.
Samantala, si Villar na dating miyembro ng House of Representatives sa Las Piñas City ay nag-resign noong nakaraang linggo bilang DPWH chief para tumakbo sa pagka-senador sa susunod na eleksyon. Wala pang opisyal na tugon mula sa DPWH o sa executive department.