ni Lolet Abania | May 7, 2022
Magbibigay ng libreng sakay ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa Mayo 9 elections, batay sa anunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ngayong Sabado.
Maaaring maka-avail ang lahat ng PWDs ng free LRT-2 rides anumang oras sa pagitan ng unang commercial trip nang alas-5:00 ng umaga hanggang huling commercial trip nang alas-8:30 ng gabi sa Antipolo station at alas-9:00 ng gabi sa Recto station.
Kailangan lamang magprisinta ng PWD passenger ng kanyang valid PWD ID sa security/station personnel sa pagpasok sa automatic fare collection system gates para maka-avail ng libreng sakay.
Ang free ride ay isa sa mga proposed measures ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng kanilang Task Force on Disability Affairs, na layong makapagbigay ng access sa mga PWDs sa panahon ng eleksyon.
“The provision of accessible transportation is one of the main requirements for PWDs to be able to participate in the national elections. LRT-2 is ready and available to accommodate them,” pahayag ni LRTA Administrator Jeremy Regino.
Hinimok din ni Regino ang lahat ng PWDs na sasakay ng tren patungo sa kanilang voting precinct na manatili at maghintay sa Special Boarding Area (SBA), ang nakatalagang lugar para sa mga senior citizens, PWDs, at mga buntis.
Mayroon ding nakalaang lugar para sa mga naka-wheelchair sa loob ng mga tren.
Paalala naman ng LRTA sa lahat PWD passengers na patuloy na sumunod sa mga safety at security protocols gayundin, ang mga minimum health protocols, gaya ng mandatong pagsusuot ng face masks at bawal mag-usap at phone calls, kung saan nananatiling ipinatutupad sa loob ng mga tren at mga istasyon.