ni Jeff Tumbado | May 3, 2023
Sinampahan ng transport groups ng kasong sibil ang ilang matataas na opisyal ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) kasunod ng umano'y ilegal na pagpapalabas ng mga polisiya kaugnay ng pagpapatupad ng Public
Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).
Batay sa inihaing reklamo ni Atty. Israelito Torreon, legal counsel ng transport groups, sinampahan ng kaso sina DOTr Secretary Jaime Bautista, Usec. Reinier Paul Yebra, LTO Asec. Jose Arturo Tugade at iba pa.
Inihain ni Atty. Torreon ang Petition for Certiorari Prohibition sa Regional Trial Court ng Lupon, Davao Oriental upang ideklara ng korte na walang bisa ang mga naunang ipinalabas na Department Order/memorandum circular kaugnay ng umano'y ilegal na implementasyon ng PMVIC.
Ipinababasura rin ng iba't ibang transport group at road safety advocates ang pagpapairal ng PMVICs system na ginawa lamang sa bisa ng Department Order.
Sa isinampang reklamo ng lead counsel ng grupo laban sa LTO at DOTr sa Regional Trial Court (RTC) sa Lupon ng Davao Oriental, sinabi nito na layon lamang na gipitin hanggang sa nawala ang Private Emission Testing Center (PETC) gayong ito ay alinsunod umano sa mga umiiral na batas.
Bukod pa rito, ipinarerebisa rin ng grupo ang implementasyon ng Land Transportation Management System (LTMS) bunsod ng sunud-sunod na kapalpakan na naranasan ng kanilang hanay.
Magkasanib pwersang nagsampa ng kaso ang mga grupong Ang Kaligtasan sa Kalsada; National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines (NACTODAP); National Public Transport Coalition (NPTC); Association of Committed Transport Organizations Nationwide Corporation (ACTONA); Arangkada Riders Alliance Inc. (Motorcycle Riders) at Lupon Pedicab Operators Drivers Association at iba pang transport group sa Davao Region.