ni Lolet Abania | November 24, 2020
Walang dapat na ikabahala ang publiko sa kanilang mga sasakyan na wala pang radio frequency identification (RFID) tags kahit pa umabot nang hanggang January 11, 2021, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa inilabas na advisory ngayong Martes, ayon sa DOTr, hindi dapat mangamba ang mga motorista dahil ang RFID installation sa mga toll lanes at booths ay mananatiling bukas 24/7 hanggang January 11, at kahit pa magpalit ng tollway system at maging isang fully-digital cashless system ito sa December.
"Wala pong mangyayaring hulihan mula December 1 hanggang January 11, 2021 para sa mga sasakyang walang RFID," ayon sa DOTr.
"Matapos ang January 11, hindi lahat ng lanes sa toll gate ay iko-convert bilang stickering lane. Magtatalaga na lamang ng isa o dalawang stickering lane, o kaya naman isang installation tent bago pumasok sa toll gate kung saan maaaring kabitan ng RFID ang mga sasakyan," paliwanag ng ahensiya.
Parehong ang Autosweep at Easytrip systems na gagamitin sa mga expressways na kumokonekta sa Metro Manila ay nakatakdang maging fully contactless sa December.
"Kung wala kang RFID by December 1, DOON KA MISMO SA TOLL GATE KAKABITAN. May nakaabang na RFID installation lanes ang mga toll gates, at may mga tauhan po ang toll operators na mag-a-assist sa pagkabit ng RFID stickers," dagdag pa ng DOTr.
Ang Autosweep tags ay inisyu ng San Miguel Group para sa Skyway, South Luzon Expressway (SLEx), STAR Tollway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx), NAIA Expressway (NAIAx), at Muntinlupa-Cavite Expressway (MCX).
Ang Easytrip System naman ay para sa North Luzon Expressway (NLEx), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx), Manila-Cavite Expressway (CAVITEx), C5 Southlink, at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).