ni Lolet Abania | December 29, 2020
Nilinaw ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III na ang naunang inanunsiyo tungkol sa travel ban sa 20 bansa na may mga naitalang kaso ng bagong Coronavirus variant ay isa lamang rekomendasyon at wala pang pinal na desisyon.
"It's a recommendation... Hintayin na lang natin 'yung sa OP (Office of the President) issuance today," sabi ni Duque sa isang phone interview.
Unang inanunsiyo ngayong Martes ng umaga nina Duque, Department of Labor (DOLE) Sec. Silvestre Bello III at ng Department of Transportation (DOTr) na palalawakin ang travel ban sa 20 bansa mula December 30, 2020 hanggang January 15, 2021 dahil sa posibleng pagkalat ng bagong Coronavirus variant sa bansa.
Samantala, sa isang news briefing, pinayuhan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang publiko na maghintay sa ilalabas na mga guidelines mula sa Office of the President ngayong araw.
"What I understand now is the Office of the Executive Secretary is drafting guidelines that would conform to what the President said na walang Pilipino na nais umuwi na puwedeng pigilan," ani Roque.
"My office is the only one authorized to issue any information relating to COVID so, antayin n'yo pong mag-issue tayo ng anunsiyo kung epektibo na ang travel ban sa iba pang mga bansa sa may new variants... May dahilan po kung bakit nais ni Presidente na sentral po sa opisina natin ang pag-release ng impormasyon para maiwasan ang kalituhan," dagdag ng kalihim.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension ng travel ban sa United Kingdom, kabilang ang mga transited mula sa naturang bansa ng dagdag na dalawang linggo matapos ang December 31, 2020.