top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 23, 2024




Inudyok ni Department of Transportation (DOTr) Command and Control Operations Center chief Charlie Del Rosario, ang publiko ngayong Martes na magkaroon ng "paradigm shift" at gumamit ng pampasaherong transportasyon sa halip na pribadong sasakyan upang maiwasan ang mabigat na trapiko.


“We encourage po ‘yung paggamit ng mass transportation dito na rin po sa Kamaynilaan dahil nga po alam naman po natin na napakarami po ng ating motor vehicle sa lansangan, private vehicles po ‘yan,” pahayag ni del Rosario sa briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon.


Sinabi sa traffic index ng TomTom International BV, isang location technology company, na nanguna ang Metro Manila sa 387 na mga lungsod sa buong mundo na iniranggo batay sa trapiko sa metro area.


Binigyang-diin din ni Del Rosario ang mga pangunahing proyektong pangtransportasyon ng gobyerno tulad ng Metro Manila subway at MRT-4 extension, na pinaniniwalaang makakatulong na bawasan ang paggamit ng pribadong sasakyan.


Gayunpaman, kinikilala niya na hindi madaling abutin ang kanilang obhektibo.


“Ongoing pa rin po at tuloy-tuloy ‘yung ating subway [project], so we are looking at the possibility—kasi hindi naman po natin magagawa ito ng isang upuan lamang, it will take some time—so ‘yung mga proyektong ‘yan ay tuloy-tuloy po na pinamumunuan ng Kagawaran ng Transportasyon,” sabi ni Del Rosario.


“We just have to have that paradigm shift: ‘yung pagbabago ng kaisipan na imbis po na gumamit ng private vehicle natin, gumamit po tayo ng mass transportation,” dagdag niya.

 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 4, 2023




Nagpakita si Senate Minority Leader Aquilino 'Koko' Pimentel ng kagustuhan na makipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) upang imbestigahan ang mga supplier ng mga modernong jeepney.


Ani Pimentel, dapat na tiyaking dumaan sa tamang proseso ang naging pagpili sa magiging supplier ng gobyerno para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Binigyang-diin din ng senador na dapat ay may transparency at alam ng publiko kung meron mang dapat na accreditation ang mga nasabing supplier upang maiwasan ang pagdududa.


Umugong ang usapin patungkol sa programa dahil may layon itong alisin ang tradisyunal na jeep sa mga daan at palitan ng mga modernong jeep na magreresulta ng kawalan ng trabaho para sa maraming tsuper.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 4, 2023




Mariing itinanggi ng  Department of Transportation (DOTr) nitong Huwebes ang posibleng pagtaas ng pasahe sa mga jeep dahil sa PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Sa panayam kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan sa Bagong Pilipinas Ngayon, kinumpirma nitong ang pagtaas ng pasahe ay kailangan munang dumaan sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Saad ni Batan, “Atin pong binibigyan ng paalala ang atin pong mga commuters, iyong mga naririnig po natin na magkakaroon po ng 300 to 400% na increase ay wala pong batayan at hindi po inaasahan ang ganyang taas-pasahe sa consolidation at PUV Modernization Program.”


Nagpaalala rin ang DOTr undersecretary na 1 piso hanggang 2 piso lang ang itinaas sa mga nagdaang pasahe.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page