ni Lolet Abania | December 12, 2021
Ganap nang tropical depression ang namataang low pressure area (LPA) sa Mindanao kung saan papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR), habang posibleng maging bagyo sa mga susunod na araw, batay sa ulat ng PAGASA ngayong Linggo.
Sa latest bulletin ng PAGASA, bandang alas-10:00 ng umaga, ang tropical depression ay nasa layong 2,095 kilometro sa silangan ng Mindanao na nasa labas pa ng PAR.
May maximum sustained winds ito na aabot sa 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna habang may pagbugso ito ng hanggang 55 kph.
“The tropical depression is forecast to gradually intensify and may reach tropical storm category within the next 24 hours,” ayon sa PAGASA.
Sinabi rin ng PAGASA na inaasahang papasok ang tropical depression sa bansa sa Martes na papangalanang “Odette” na posibleng tumama sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
“By Wednesday evening or Thursday morning, the tropical cyclone will begin to move westward and may make landfall over the Eastern Visayas-Caraga area. Due to favorable environmental conditions, the tropical cyclone will likely continue to intensify and may reach typhoon category by Tuesday evening or Wednesday early morning,” pahayag ng ahensiya.
“Considering these developments, the public and disaster risk reduction and management offices concerned are advised to continue monitoring for updates related to this tropical cyclone,” sabi pa ng PAGASA.