ni Lolet Abania | October 25, 2021
Naglabas ng pahayag ang Malacañang ngayong Lunes na ang mga menor-de-edad o mga 17-anyos at pababa ay hindi papayagang bumisita sa Manila Bay dolomite beach sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nag-isyu si Presidential Spokesperson Harry Roque ng paalaala sa publiko matapos na dumagsa ang napakaraming tao sa artificial white sand area sa bahagi ng Manila Bay ngayong weekend, kabilang na rito ang maliliit na mga bata.
Aniya, ang nangyaring ito ay nagdulot ng alalahanin na maaaring mauwi sa superspreader event sa gitna ng pandemya.
“Ang mga bata, talagang for essentials lang po na dapat lumalabas ng kanilang tahanan. Hindi pa po puwede magpasyal-pasyal ang mga bata,” ani Roque.
Nanawagan din si Roque sa Manila police na tiyakin na ipinatutupad ang health protocols gaya ng social distancing at tamang pagsusuot face mask.
Ang Manila Bay dolomite beach ay nabuong proyekto sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Una nang sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda na ang artificial sand area ay hindi nila isasara sa mga tao.
Gayunman, ayon kay Antiporda, magpapatupad sila ng crowd control, kung saan magde-deploy ng mga karagdagan pang marshalls upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.