ni Mylene Alfonso | April 15, 2023
Nagbabala at nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila na huwag munang mag-swimming sa Baseco at Dolomite beaches sa Manila Bay.
Sinabi ni Lacuna na mataas pa rin ang antas ng coliform sa mga nasabing beaches at ang paliligo dito ay may nakaambang seryosong panganib sa kalusugan.
“So please, please, nananawagan kami. Bawal lumangoy sa Baseco at Dolomite beach,” apela ng alkalde.
Kaugnay nito, naglagay na ng real-time water quality monitoring equipment sa tulong ng DENR-EMB National Capital Region sa Dolomite at Baseco beaches kung saan natukoy na ang coliform ay lubhang mataas sa pinapayagang level.
“‘Wag n’yong subukang lumangoy sa dalawang ito… alam ko, napakainit pero hindi safe na lumangoy sa Baseco beach at sa Dolomite beach. Hindi po safe ‘di pa ganu’n kalinis ang dalawang beach area na ito,” dagdag pa ng alkalde.