ni Lolet Abania | June 23, 2022
Inaprubahan ng National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-TWPB) ang P1,000 dagdag sa buwanang sahod ng mga household workers o kasambahay sa Metro Manila sa gitna na rin ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Our wage increase for our kasambahay of additional P1,000 a month, bringing the monthly take home of our kasambahays in NCR to P6,000 a month,” pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Director Rolly Francia sa isang interview.
Nasa tinatayang 200,000 domestic workers sa NCR ang inaasahan na mabenepisyuhan mula sa ibinabang minimum wage increase. Gayunman, ayon kay DOLE Secretary Silvestro Bello III, kulang at hindi pa rin sapat ang P1,000 dagdag sa kanilang monthly pay.
“In fact, sabi ko nga ‘yung increase to P6,000 eh, napakababa pa ‘yun kasi sabi ko nga ngayon, nagbabayad na ako ng 7 (kasambahay) eh ‘di ba kasi ‘yung pagkakaroon ng kasambahay is not a necessity. To me, it’s just a luxury eh,” saad ni Bello.
Ang desisyon ng NCR-TWPB ay nananatiling subject sa review ng National Wages and Productivity Commission (NWCP) na nakaiskedyul na sila ay magpulong ngayong Huwebes.
Kapag ang desisyon ay naaprubahan na, ilalathala ito sa pahayagan habang magiging epektibo naman matapos ang 15 araw. Batay sa datos mula sa Philippines Statistics Authority (PSA), mayroong 1,864,065 private household workers sa buong bansa.
Ayon sa DOLE, itong Hunyo ay epektibo na ang wage increase para sa mga domestic workers sa iba’t ibang rehiyon. Humigit-kumulang P500 hanggang P2,500 ang nadagdag sa minimum wage, depende ito sa rehiyon na nasasakop ng kasambahay.
Gayunman, kung ang isang employer ay hindi mag-comply sa itinakdang minimum wage, ang helper o kasambahay ay maaaring mag-file ng reklamo sa regional wage board o sa DOLE field offices.
“May rule ang NWPC d’yan ng payment prescribe a minimum wage ay subject sa penalty,” sabi ni Francia.
“Bibigyan namin siya ng compliance order. ‘Pag hindi sumunod, eh ‘di hahabulin namin ‘yung pera niya kung mayroon man siyang deposito, i-garnish namin... it will pass through judicial process din,” giit ni Bello.