ni Mai Ancheta @News | August 27, 2023
Patung-patong na kaso ang isinampa ng Department of Justice kay dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves, Jr. kaugnay sa pagkamatay ni dating Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong March 4, 2023.
Inanunsyo ni DOJ Spokesman Mico Clavano nitong Sabado na naisampa na sa Manila Regional Trial Court noong August 18, 2023 ang mga kasong murder, frustrated murder at attempted murder laban kay Teves.
Sinabi ni Clavano na ngayong naisampa na ang kaso sa korte, hihintayin na lamang nila ang paglabas ng warrant of arrest laban kay Teves.
“'Yung Degamo case ay nai-file na natin sa Manila, 'yun ay nasa korte na at hinihintay na lang natin ang warrant of arrest. Alam naman ho natin 'yung facts nu'ng kaso na 'yun dahil napaka-publicized nu'ng kaso na 'yun."
Itinanggi naman ni Teves na sangkot siya sa asasinasyon ni Degamo dahil nasa ibang bansa umano siya nang maganap ang pagpatay sa dating gobernador.
Nauna nang idineklara ng Anti-Terrorism Council si Teves, kasama ang kanyang kapatid na si Pryde Henry Teves at 11 iba pa bilang mga terorista at binansagang Teves terror group.
Nauna nang sinampahan ng kasong murder si Teves sa Bayawan, Negros Oriental dahil sa mga nangyaring krimen noong 2019 at plano ng DOJ na ipalipat ang kaso sa Maynila upang lahat ng pagdinig ay sa Maynila na gagawin.
Si Teves ay kasalukuyang nasa labas ng Pilipinas.