ni Angela Fernando - Trainee @News | January 3, 2023
Nagpahayag ang Department of Justice (DOJ) nitong Miyerkules ng kanilang pagtanggap sa pagsang-ayon ng Korte Suprema sa set ng procedural rules ukol sa lahat ng petisyon at aplikasyon na may kinalaman sa mga pahayag sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Pahayag ni DOJ spokesperson Mico Clavano, “It addresses contentious topics such as designation, proscription, surveillance, detention without judicial warrant of arrest, and significantly, it also added a remedy or recourse for those who believe that they have unjustly been designated.”
Sa ilalim ng mga patakaran, pinapayagan ang Court of Appeals na maglabas ng Order of Proscription na nagdedeklara na bawal ang sinumang grupo ng tao, organisasyon, o asosasyon na nagpapatupad ng anumang mga gawain sa ilalim ng Section 4 hanggang 12 ng ATA, o pagtatatag ng grupo para sa layuning makiisa sa terorismo.
Nagsaad ang Korte Suprema na ang nagmumungkahing partido ay kinakailangang mapatunayan din na ang order ng proscription ay kinakailangan upang pigilan ang isang indibidwal na gumawa o sumali sa terorismo.
Ipinag-utos din ng Korte Suprema ang paglabas ng isang written order mula sa Court of Appeals para sa anumang ahensya ng batas na magsasagawa ng lihim na wiretapping, pakikinig, pag-intercept, pagbasa, pagsusuri, pag-record, o kahit pagkuha ng anumang pribadong palitan ng mensahe.