ni Mylene Alfonso @News | July 23, 2023
Pormal nang inalis ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang State of Public Health Emergency sa buong Pilipinas na dulot ng COVID-19.
“All prior orders, memoranda, and issuances that are effective only during the State of Public Health Emergency shall be deemed withdrawn, revoked or canceled and shall no longer be in effect,” ayon sa Proclamation No. 297 na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO).
Inihayag ni Marcos na ipinatupad ang muling pagbubukas ng international borders at pagluwag ng health at safety protocol requirements dahil sa patuloy na pagbabakuna at pagbaba ng bilang ng mga kaso ng COVID sa bansa.
Gayunman, mananatili pa rin aniya ang bisa ng lahat ng emergency use authorization (EUA) para sa COVID-19 vaccines na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) sa loob ng isang taon.
Kaugnay nito, umapela si Senador Christopher 'Bong' Go kay Pangulong Marcos na tiyaking maibibigay pa rin ang COVID allowances ng mga healthcare workers at death benefits ng mga nagbuwis ng buhay.
Ito ay sa kabila na nirerespeto ni Sen. Go, chairman ng Senate Committee on Health ang naging desisyon ni P-BBM na alisin na ang public health emergency sa bansa.
Nanawagan din ang senador sa publiko na patuloy pa ring mag-ingat at unahin ang kalusugan sa gitna na rin ng mga natutunan noong panahon ng pandemya.
Samantala, inihayag ni Sen. Jinggoy Ejercito Estrada na hindi ito dapat maging dahilan para manumbalik sa nakagawian at sa halip, dapat aniyang isaisip ng bawat isa ang
"new normal", na panatilihin ang pagiging maingat at responsable sa araw-araw na gawain.