top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | September 3, 2023




Pumalo na sa 233 ang bilang ng nasawi dahil sa leptospirosis sa Pilipinas sa unang 7 buwan ng taon.


Sa datos ng Department of Health, ito ay mula sa 2,168 kaso ng leptospirosis na naitala sa bansa.


Ang bilang na ito ay mas mataas ng 52% sa 1,423 kasong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.


Noong nakaraang taon, nasa 201 naman ang nasawi dahil sa leptospirosis.


Pinakamataas na kaso ng sakit ay naitala sa Region 9, sinundan ng MIMAROPA, at Cordillera Administrative Region. Ayon sa DOH, inaasahang mas tataas pa ang mga kaso ng sakit dahil sa epekto ng mga Bagyong Egay, Falcon, Goring at Habagat.


Paalala ng DOH, kung lumusong sa baha, hugasan ito gamit ang malinis na tubig at sabon. Pinapayuhan ding magpunta sa health center lalo kung matagal na lumusong sa baha at may sugat para mabigyan ng prophylaxis.




 
 

ni BRT @News | August 8, 2023




Nagpahayag ng pag-apruba si Department of Health Secretary Teodoro 'Ted' Herbosa para sa legalisasyon ng medikal na paggamit ng marijuana ngunit hindi para sa pagtatanim at pagmamanupaktura nito sa bansa.


Kung ang medical cannabis ay magiging legal, maaari itong magamit ng mga pasyente na dumaranas ng cancer, glaucoma, seizure disorders, at iba pang mga sakit.


Inulit din ni Herbosa na ang medical marijuana ay magagamit na, ngunit para lamang sa mga pasyente na nabigyan ng “special permit” ng Food and Drug Administration.


Samantala, ayon kay Herbosa hindi pa niya makukumpirma kung dito ima-manufacture sa bansa ang gamot kasi maeengganyo ang mga mamamayan sa pagtatanim nito.


Aniya, mas mainam kung iangkat nalang ang medical cannabis sa ibang bansa.



 
 

ni BRT @News | July 24, 2023




Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na ang pangangailangang magsuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon at mga ospital ay tila ipinawalambisa na.

Ito ay kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wakasan na ang COVID-19 emergency sa Pilipinas.


Una nang idineklara ni Marcos na opsyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask noong Oktubre sa pamamagitan ng Executive Order No. 7, maliban sa mga lugar tulad ng mga ospital, ambulansya, at mga pampublikong transportasyon.


Noong Biyernes, inilabas ng Pangulo ang Proclamation No. 297, na nagsasaad na ang lahat ng mga naunang order, memorandum, at issuances na epektibo lamang sa panahon ng State of Public Health Emergency ay hindi na magkakabisa.


Sinabi rin ni Herbosa na ang lahat ng established medical protocols ay tinanggal, maliban sa Emergency Use Authorization (EUA) na nauukol sa mga bakuna at ang pagbabayad ng mga hindi pa nababayarang dapat bayaran para sa Health Emergency Allowance.


Gayunman, inihayag ng Kagawaran ng Kalusugan na ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay magpupulong para sa isang final meeting upang pormal na tapusin ang public health emergency, at kasunod nito ay maghahanda na rin ng isang komprehensibong ulat.


Samantala, inaasahang mas maraming pasahero ang gagamit ng Light Rail Transit 2 stations sa pag-angat ng State of Public Health Emergency sa bansa.


Sinabi ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na sa pag-alis ng public health emergency, lalabas na ang mga ayaw lumabas dahil sa mga paghihigpit, lalo na sa mga matataong lugar at transport hubs, at gagamit ng mga pampublikong transportasyon tulad ng LRT.


Sinabi ni Cabrera na may karagdagang 30,000 hanggang 50,000 na pasahero ang inaasahan mula sa 150,000 araw-araw na pasahero.


Ang LRTA ay mayroong 180,000 hanggang 200,000 araw-araw na pasahero bago ang pandemic.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page