ni Lolet Abania | May 4, 2021
Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular sa mga siklista at commuters na maging mas maingat habang kailangang magkaroon ng proteksiyon sa sarili para maiwasan ang heat stroke o heat exhaustion lalo na ngayong panahon ng tag-init.
Ayon kay DOH Director IV Dr. Beverly Ho, ang unang dapat gawin ng mga commuters ay alamin ang lagay at taya ng panahon, laging magdala ng inuming tubig at magsuot ng tama at naaayong kasuotan bago lumabas ng bahay.
Ipinaliwanag ni Ho na ang heat exhaustion ay pagkakaroon ng malamig at clammy na mga kamay, nausea, isang mabilis subalit weak na heartbeat at muscle cramps.
Sinabi ni Ho na sakaling maramdaman ang mga sintomas ng heat exhaustion, pinapayuhan ang mga cyclists at pedestrians na magpahinga muna sa malilim na lugar o may shade, uminom ng tubig at itaas-taas ang mga binti at paa para dumaloy ang dugo sa katawan.
Aniya pa, isang malubhang kondisyon naman ang heatstroke na nakararanas ng throbbing headache o matinding sakit ng ulo, sobrang panunuyot ng balat, pagsusuka at unconsciousness o pagkawala ng malay.
“Anytime you have these symptoms, the advice is really to seek [consultation]. Kailangang pumunta na po sa health facility,” ani Ho.
Hinimok naman ni Ho ang mga commuters na maging mas sensitibo sa kanilang mga katawan upang mapigilan ang heat exhaustion o stroke.
“Kung alam natin na specifically, sobrang init nu’ng araw na ‘yun, we actually will advise that the cyclist or the pedestrian will have to stop from time to time, hindi ‘yung parang pipilitin nating matapos siya in a shorter period of time,” ani Ho.