ni Mylene Alfonso @News | September 27, 2023
Bigong makumpirma ng Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Health Secretary Teodoro Javier 'Ted' Herbosa dahil sa kawalan ng oras.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri, chairman ng CA, subalit maaari namang talakayin ang appointment ni Herbosa kapag nagpatuloy ang sesyon ng Kongreso sa Nobyembre.
Sinabi rin ni Sen. Christopher 'Bong' Go, nanguna sa pagdinig ng CA committee, na kulang na sila sa oras para talakayin ang ad interim appointment ni Herbosa.
Dahil dito, kailangang muling italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., si Herbosa dahil magtatapos ang sesyon ng Kongreso sa September 30.
Sa panayam, tumanggi si Go na sabihing na-bypass o na-defer ang appointment ni Herbosa at sinabi lamang na sinuspinde ang pagdinig dahil maraming miyembro ang gustong magtanong kay Herbosa.
Samantala, nanawagan ang Alliance of Health Workers (AHW) sa CA na ibasura ang appointment ni Herbosa bilang pinuno ng DOH.
“With Herbosa in DOH for three months now as DOH appointed Secretary, we see no change. Health workers are still overworked and underpaid, the much needed and long delayed health emergency allowance is not yet provided. Health workers’ miserable situation remains,” ani Robert Mendoza, AHW national president.
Ayon sa AHW, bigo si Herbosa na idepensa ang P13.9 bilyong ibinawas sa panukalang 2024 budget sa DOH.
Binanggit ng grupo ang P10 bilyong budget cut sa 69 ospital na pinamamahalaan ng DOH, ang P1.7 bilyong bawas-pondo sa specialty hospitals at ang P2 bilyong budget cut sa Philippine General Hospital (PGH).
Kinuwestiyon din ng grupo ang P8 milyong bawas sa Philippine National Aids Council, at P148 milyon naman sa National Nutrition Council.