ni Jasmin Joy Evangelista | September 24, 2021
Umamin ang empleyado ng Pharmally na si Krizzle Mago na pinapalitan nila ang production dates ng mga face shield.
Ayon sa kanya, ang Pharmally corporate treasurer at secretary na si Mohit Dargani ang nag-utos sa kanya na gawin ito.
Ito ay inihayag sa Senate Blue Hearing ngayong Biyernes hinggil sa umano’y overpriced pandemic items na binili ng gobyerno sa kumpanyang Pharmally.
Sa kasagsagan ng pagpapatuloy ng Senate probe, nagpresenta ng video si Senador Risa Hontiveros ng isang empleyado kung saan ito umano ay nautusan na i-tamper ang mga certificates ng mga face shield.
"Yung mga nakalagay du’n sa certificate niya, production date po is year 2020 pa. Then, ang pinapagawa sa amin is palitan po siya ng certificate na updated this year," ayon sa empleyadong hindi ipinakilala upang masiguro ang seguridad nito.
Doon nito sinabi na si Mago nga ang nag-utos sa kanila na gawin ito.
"Kahit po yupi-yupi yung mga face shield, yupi-yupi na yung mga boxes, kahit po may mga dumi, pinapa-repack pa rin po sa amin nina ma’am … although substandard po…kahit naninilaw, kahit basa-basa na po, yung iba po dun, nababasa gawa po ng tulo sa warehouse," dagdag niya.
Pagkatapos daw i-repack ang mga face shield ay lalagyan nila ito ng sticker na may nakasulat na “Philippine Government Property.”
“Nakalagay po doon, Department of Health, so idea po namin is sa DOH po. Pero sinabi din naman po sa amin nina Ma’am na order po sya ng DOH from Pharmally,” sabi niya.
Dumalo si Mago sa nasabing pagdinig at doon nga inamin na siya ang nag-utos sa mga empleyado na i-tamper ang mga face shield na binili ng gobyerno.
“The instructions came from our management po. I received instructions from the PPC management, particularly Mohit Dargani,” ani Mago.