ni Lolet Abania | December 10, 2021
Papayagan na ang mga street parties na isagawa ngayong Kapaskuhan, subalit kailangan na magpatupad ng guidelines ang mga organizers nito o lokal na awtoridad, ayon sa opisyal ng Department of Health (DOH).
Sa Palace briefing ngayong Biyernes, ipinaalala ni DOH director Dr. Beverly Ho sa publiko na mayroon lamang 70% capacity para sa outdoor areas sa ilalim ng Alert Level 2.
“So as long as kaya ng ating local authorities o nu’ng organizers, no, to make sure that happens na ma-enforce ‘yung guidelines na ‘yun, puwede, no?” sabi ni Ho.
“Pero kung wala tayong kapasidad to enforce those guidelines, sabi nga ni [Cabinet Secretary Karlo Nograles], we have to be equally accountable. Then hindi natin dapat pag-isipan pa any of these parties,” giit ni Ho.
Nanawagan din si Ho sa mga organizers para aniya sa ligtas na Kapaskuhan, na isagawa ang selebrasyon na para lamang sa mga fully-vaccinated individuals kapag indoor venues.
Ang indoor venues sa mga lugar sa ilalim ng Alert Level 2 ay mayroong 50% capacity.
“We encourage everyone to conduct their activities, their reunions, or gatherings in outdoor areas, no? As much as possible, we need to avoid indoor settings with poor ventilation,” paliwanag ni Ho.
Paalala naman ng opisyal sa publiko na iwasan ang pagtanggal ng kanilang face masks maliban kung sila ay kakain na habang patuloy na isagawa ang physical distancing.
“When we are symptomatic, hindi po tayo pumunta sa mga party. If you don’t feel well, please be considerate of other people,” sabi pa ni Ho.
Payo naman ni Ho sa mga organizers at mga dadalong indibidwal na iwasan ang pagsasagawa ng mga aktibidad na mayroong close-contact interactions at malakas na pagkanta, sigawan, at katulad na gawain. Gayundin, pre-packed meals na lamang ang ibigay sa mga bisita.