ni Jasmin Joy Evangelista | December 23, 2021
Nadaragdagan pa ang bilang ng mga nagkakasakit dahil sa pag-inom ng maruming tubig sa Dinagat Islands matapos ang pananalanta ng Bagyong Odette.
Nahihirapan din ang 3 district hospital at 7 rural health unit ng Dinagat Islands sa pagtugon sa mga may sakit dahil maging sila ay nakaranas ng pinsala mula sa bagyo.
Sa buong Dinagat Islands, halos 60 na ang naitalang kaso ng naopsital dahil sa loose bowel movement (LBM) bunsod ng kawalan ng maiinom na malinis na tubig. May 3 na ring namatay dahil sa pagdudumi.
Ang Dinagat District Ospital, bumigay ang halos buong bubong at maraming gamit ang hindi na mapakinabangan kaya pinagkakasya rito ngayon ang 40 pasyente sa corridor at ward ng natitirang wing na may bubong.
Ginamit na rin ng ospital ang 2 isolation room at ginawang emergency room ang kusina.
Mayroon pa umanong gamot pang-LBM ang ospital pero malapit nang maubos ang mga supply ng IV infusion set.
Paubos na rin ang pagkain at dagdag pa sa problema ang kakulangan nila sa tao dahil nasalanta rin ng bagyo ang mga nagtatrabaho sa ospital.
Samantala, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang agarang paghahatid ng medisina.